#Balitaan: Mamamahayag, nanindigan na iaapela ang kaso laban sa mga pulis sa Korte Suprema
Sa isang press briefing noong Huwebes, ipinaabot ng mamamahayag na si Fidelina Margarita Valle ang kanyang planong umapela sa Korte Supreme matapos na maglabas ng ombudsman ng resolusyon noong Hunyo 24 na nagbasura sa mga kasong isinampa niya laban sa mga pulis na iligal na umaresto sa kanya noong 2019. Kabilang sa ibinasura ang mga kasong kriminal at administratibo na isinampa niya laban sa 17 pulis.
Inaresto si Valle noong Hunyo 2019 sa Laguindingan Airport sa Cagayan de Oro City matapos na pagkamalang na si “Elsa Renton” na lider umano ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Imbes na panagutin at tanggalin sa serbisyo ang mga salarin, sinuspinde lamang tatlong buwan noong Agosto 2020 dahil umano sa simpleng pagpapabaya sa trabaho.” Aniya, ang pagtawag ng ombudsman sa iligal na pag-arestong ito na isang kaso ng “simpleng pagpapabaya sa trabaho” ay isang hakbang para hindi mapanagot ang mga sangkot. Nanindigan siya na patuloy na ilalaban ang kaso hindi bibigay sa panggigipit ng estado.
Ayon sa tagapangulo ng National Union of Journalists of the Phililppines (NUJP) na si Jonathan de Santos, kung hindi maninindigan ang mamamayan sa ganitong klase ng panggigipit laban sa mga mamamahayag ay tiyak na mauulit ito bilang isang hindi deklaradong patakaran ng gubyerno.
Sa kabuuan, nakapagtala na ang NUJP ng 223 insidente ng pag-atake at pagbabanta sa mga kasapi ng midya sa ilalim ni Rodrigo Duterte. Kabilang dito ang 19 kaso ng pagpaslang, 8 kaso ng tangkang pagpaslang, at 52 kaso ng intimidasyon.
Sa kaugnay na balita, ibinasura ng korte noong Agosto 10 ang kasong libel na isinampa laban kay Rappler CEO Maria Ressa at mamamahayag na si Rambo Talabong matapos iatras ng nagsampa ang kaso.