#BALITAAN: Pagpasa ng TESDA at DILG ng pondo para sa kontra-insurhensya ng NTF-ELCAC, maanomalya

Inihain ng anim na kinatawan ng blokeng Makabayan sa Kongreso ang House Resolution No. 2147 noong nakaraang linggo para paimbestigahan ang maanomalyang pagpapasa ng P162.9-milyong pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa implementasyon ng mga proyekto ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELAC) noong 2020. Ito kasunod ng inilabas na ulat ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa paggamit ng pondo ng naturang mga ahensya na pawang mga kasaping ahensya ng NTF-ECLAC.

Iginiit ng COA na hindi maaaring gamitin ng mga ahensya ang Executive Order 70 na lumikha sa naturang task force para basta-basta na lamang maglipat ng pondo nang walang basbas ng Kongreso. Tinawag nito na “napakakwestyunable” ng iskemang ito at ipinunto na walang kapangyarihan ang anumang ahensya na gamitin ang pondo para sa mga programang hindi saklaw ng badyet nito, laluna kung ang mga naturang programa ay walang malinaw na deskripsyon at alituntunin kung papaanong gagamitin ang pondo.

Inilantad ng COA na aabot sa P160 milyon ang kabuuang ipinasa ng sentral na upisina ng TESDA sa mga rehiyunal na upisina nito para sa pagpapatupad ng mga programa ng NTF-ECLAC noong 2020. Ang naturang pondo ay orihinal na inilaan para sa suportahan ang mga gustong mag-aral ng mga kursong teknikal at bokasyunal. Mahigit sangkapat ng naturang pondo (P41.95 milyon) ay napunta sa Davao Region na balwarte ng mga Duterte. Dagdag pa rito, natuklasan din ng komisyon ang iregular na pagpapasa ng P2.9 milyon ng DILG sa rehiyunal na upisina nito sa Mindanao para sa pagpapatupad ng mga aktibidad ng NTF-ELCAC nang walang kauukulang dokumentasyon.

Ayon sa Makabayan, kinakailangang kagyat na ilantad at imbestigahan ang imbing iskema ng NTF-ELCAC ng pagkuha ng pondo mula sa badyet na ilaan para sa mga kasaping ahensya nito. Anito, ito ay posibleng matawag na kaso ng “technical malversation” at maling paggamit sa pondo. Iginiit nito na hindi dapat pahintulutan ang NTF-ELCAC na basta-basta na lang ipasa ang pondo ng mga kasaping ahensya nito para sa pagpapatupad ng mga programang kontra-insurhensiya.

Liban dito, napag-alaman ng COA na kumuha din ang NTF-ELCAC ng mahigit P1 milyon pondo mula sa National Commission on Indigenous Peoples para sa isang workshop” pangkontra-insurhensya nito na ginanap sa Agusan del Norte noong Nobyembre 2020. Anito, posibleng may iba pang ahensyang kinuhaan ng NTF-ELCAC ng pondo para sa mga programa nito.

Mayroong sariling badyet na P19 bilyon ang ahensya na hawak ng mga retiradong heneral ng AFP.

AB: #BALITAAN: Pagpasa ng TESDA at DILG ng pondo para sa kontra-insurhensya ng NTF-ELCAC, maanomalya