Barat at mapanghating alawans, tinanggihan ng mga frontliner
Tinanggihan ng Alliance of Health Workers (AHW) noong Lunes ang panukala ng Department of Health na mamahagi ng “singular allowance” (isang tipo lamang ng alawans) na nagkakahalaga ng kakarampot na ₱3,000 hanggang ₱9,000 batay sa antas ng eksposyur sa Covid-19 ng manggagawa sa kalusugan. Ipinanukala ito para balewalain ang mga batas na nag-oobliga sa gubyerno na bigyan ng special risk allowance, active hazard duty pay, at alawans sa pagkain, akomodasyon at transportasyon ang mga frontliner.
“Ang pakana na ito ay mapanghati at may diskriminasyon,” ani Robert Mendoza, pambansang pangulo ng grupo.
Aniya, isang tipo na lamang ng benepisyo ang ibibigay sa mga manggagawang pangkaluusgan, sa halip ng kasalukuyang tatlo. Ibibigay ito batay sa iba’t ibang kategorya at may iba-ibang halaga. Hindi rin lahat ay mabibigyan nito. Sa 1.8 milyong manggagawang pangkalusugan sa kasalukuyan, 526,727 lamang ang nakalista.
Binatikos din ng grupo ang ipinapanukalang klasipikasyon ng eksposyur sa bayrus, na tinawag nilang “hindi katanggap-tanggap.” Anila maaaring tamaan ng bayrus ang sinuman, high-risk man o hindi ang ospital. Ayon sa klasipikasyon, ₱3,000 lamang ang nakalaan para sa mga manggagawang “low risk”, habang ₱6,000 hanggang ₱9,000 naman ang para sa “medium risk” at “high risk.”
Iginiit ng grupo na ang dapat gawin ng DOH ay bigyan ang mga manggagawang pangkalusugan sa lahat ng ospital (pribado at publiko) ng ₱5,000 na special risk allowance kada buwan, regular man o kontraktwal. Iginiit din nila na ang ibigay na hazard pay ay ipirmi sa ₱3,000 kada buwan at bigyan ang lahat ng manggagawang pangkalusugan ng alawans para sa pagkain, seguro at transportasyon nang hanggang ₱38,000 kada buwan.
Ipinanawagan din nila ang iba pang benepisyo tulad ng kumpensasyon para sa mga nahawa ng bayrus at death benefits para sa pamilya ng mga namatay dahil sa bayrus.
Ipinahayag din nila ang kanilang suporta sa nakasampang mga panukala sa Senado na Covid-19 Benefits for Health Workers Act of 2021 at Allowances and Benefits for Healthcare Workers of 2021.