Balita

Bato de la Rosa, sinabihang tumigil sa pagbubunton ng sisi sa PKP at BHB

Pinagsabihan ng Partido Komunista ng Pilipinas si Bato de la Rosa ngayong araw, Abril 27, na “tumigil na” sa kasisisi sa Partido at Bagong Hukbong Bayan sa mga problemang kinakaharap niya at ni Rodrigo Duterte na mga kaso sa International Criminal Court.

“Parang sirang plaka,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP. “Lahat na lang sinisisi ni Bato, pwera sa sarili niya at kanyang amo.”

Ginawa ni Bato ang paninisi sa isang raling pangkampanya sa Sogod, Leyte noong Abril 26. Ayon kay Bato, “galit na galit kaya gustong gumanti” ang PKP at BHB sa kanya at kay Duterte.

“Si Bato ang tagapagtupad ng Tokhang. Siya, si Duterte at ibang pulis-heneral ang nagpakana ng gera kontra-droga na nagresulta sa mga ekstra-hudisyal na pamamaslang kaya dapat sisihin nila ang sarili nila bakit inaresto si Duterte ng ICC at kung bakit isusunod na sila,” ayon kay Valbuena.

Hindi bago ang paninisi ni Bato sa PKP at BHB sa kinakaharap na mga problema ng kampong Duterte para bilugin ang ulo ng taumbayan. Mulat silang nagpapakalat ng disimpormasyon para linlangin ang marami, laluna ang mga naniniwala pa kay Duterte, kaugnay sa katotohanan ng kanilang gera kontra-droya.

“Sabi nila, napakahina at naghihingalo na ang CPP at NPA, pero ang CPP at NPA pa rin ang tinuturo nilang nasa likod ng mga pangyayari sa bansa.”

Aniya, halatang ginagamit lang nila ang PKP at BHB para ilihis ang atensyon sa kanilang mga krimen at takasan ang pananagutan nila sa korte.

“Ang nasa likod ng pag-aresto kay Duterte ay ang mabibigat niyang krimen laban sa mamamayan,” ayon kay Valbuena. Liban sa puu-puong libong pinatay ni Duterte sa kanyang pekeng gera kontra-droga, dokumentado ang daan-daang pinatay ng kanyang rehimen na mga magsasaka, manggagawa at iba pang anakpawis sa kanayunan at kalunsuran sa ngalan ng “gera kontra-insurhensya.” Dokumentado rin ang kabi-kabilang paglabag ng kanyang rehimen sa mga internasyunal na makataong batas, tulad ng pamamaslang ng di-armadong mga rebolusyonaryo at hors de combat, kabilang sa buong Mindanao.

Dagdag ni Valbuena: “Totoong masaya ang CPP para sa sambayanan, laluna para sa mga biktima ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang at pasismo ni Duterte, dahil matagal na nilang inaasam ang katarungan at makita si Duterte na nakakulong para panagutan niya ang kanyang mga krimen.”

“Noon pa man, batid na ng CPP na ginamit lamang ni Duterte ang gera sa droga para paluhurin ang mga panginoon ng droga sa Pilipinas sa kanyang awtoridad at isentro sa kanya ang protection money mula sa mga kriminal na sindikato. Si Duterte noon ang lord of all drug lords, ang pinakamalaking protektor ng iligal na droga sa Pilipinas.”

AB: Bato de la Rosa, sinabihang tumigil sa pagbubunton ng sisi sa PKP at BHB