BHB-Sorsogon, naglinaw sa serye ng mga engkwentro noong Enero 14
Pinasinungalingan ng Bagong Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon ang ilan sa mga pahayag ng 31st IB kaugnay ng pinalalabas nitong naganap na serye ng engkwentro sa prubinsya noong Enero 14. Ayon sa yunit, ang ilan sa mga engkwentro at pinalalabas na nasamsam na kagamitang militar ay pawang kasinungalingan.
Giit ng Pulang hukbo, walang katotohanan ang inianunsyong bakbakan ng 31st IB at yunit nito sa Barangay De Vera, Donsol noong Enero 14 ng alas-6 ng umaga. Walang yunit ng BHB-Sorsogon sa naturang lugar kaya imposible ang sinasabing engkwentro. Pawang itinanim na mga ebidensya ang sinasabing nasamsam na mga armas, magasin at iba pang kagamitang militar sa lugar, ayon pa sa yunit.
Samantala, iginiit ng yunit na walang nakumpiska o nasamsam na kahit anong armas sa engkwentrong naganap sa Barangay Sangat, Gubat sa Sorsogon mga dakong alas-2:45 ng hapon sa araw na iyon.
Hindi rin umano totoo ang pagsuko ng dalawang Pulang mandirigma ng hukbong bayan sa Barangay San Isidro, Bulusan sa 22nd IB. Ang pinangalanan na “Johnny” at “Ganda” ay mga sibilyang pinilit ng mga sundalo na “sumuko.”
Pinarangalan naman ng yunit ang Pulang kumander na si Baltazar Hapa (Ka Patrick) na napaslang sa pag-atake ng 31st IB sa Barangay Togawe, Gubat, Sorsogon noong Enero 14 ng alas-6 ng gabi.