BIAF: BARMM para lamang sa iilan
Tutol ang daan-daang mujahideen o mga mandirigma ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) na palawigin pa ang Bangsamoro Transition Authority.
Sa kanilang pagtitipon noong Setyembre 1 sa Marawi City, inihayag nila na tanging mga teknokrata lamang ang nakinabang dito at hindi ang mga tunay na nagsilbi para sa rebolusyon. Daing pa ng iba, sa kabila ng kanilang mga sakripisyo sa nakaraan, wala silang napapala ngayon. Pagdadahilan ng mga upisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), walang angkop sa kanila na mga trabaho.
Bukod dito, nahaharap sa samutsaring mga usapin ang mga upisyal ng BARMM. Ayon sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process’ Joint Normalization Division, batay sa kasunduan ng Moro Islamic Liberation Front at GRP, 12,000 armadong pwersa at armas ang nakatakdang i-dekomisyon. Pero ang gusto ngayon ng gubyerno, lahat ng armadong pwersa ng MILF ay magsurender ng armas.
Tinatayang may 40,000 myembro ang BIAF.
Pangangatwiran ni Naguib Sinarimbo, Bangsamoro Minister of the Interior Local Government, wala umanong kakayahan at karanasan ang mga mandirigma ng BIAF sa paggubyerno na kailangan para tiyakin na “magtagumpay” ang BARMM.
Bago ang pagtitipon, ginawaran na ang BARMM ng bagsak na grado dahil sa kabiguan nitong magpatupad ng mga ipinangako nitong proyekto. Ayon sa Transform PH Alliance, mahigit kalahating taon na pero wala pang nakikita sa ipinangakong imprastruktura ang mga residente sa rehiyon. Anila, hanggang “press release” lamang ang BARMM.
Dagdag pa, libu-libong mga guro ng BARMM ang nahuhuli ang sahod. Ang iba sa kanila ay umaabot ng tatlo hanggang anim na buwan bago matangap ang sweldo. Kwinestyon din nila kung saan napunta ang P75.6 bilyong (P63.3 bilyon na Annual Block Grant, P7 bilyon na taunang alokasyon at P5 bilyon mula sa Special Development Fund) na tinanggap ng mga upisina ng BARMM noong 2020 at ang P85.2 bilyon badyet nito ngayong 2021.
Sa kabila ng pagtutol ng Bangsamoro, ipinasa na Noong Setyembre 7 sa pangatlong pagdinig ang panukala para ipagpaliban ang eleksyon ng BARMM sa Mayo 2022 tungong Mayo 2025. Nagpasa ng katulad na panukala ang Kongreso. Nangangahulugan ito sa pagpapanatili ng mga inutil na upisyal ng BARMM sa pwesto, na maaaring iginawad ng mga nakaupong senador at kongresista bilang pabor sa naturang mga upisyal.