Bilyong gastos sa pagtatayo ng bagong gusali para sa Senado, binatikos

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mariing kinundena ni Rep. France Castro ng ACT Teachers Partylist ang pagbuhos ng bilyun-bilyong pondo para sa pagtatayo ng New Senate Building (NSB), o mga gusaling lilipatan ng Senado sa Taguig City, na ipinapanukalang lilipatan rin ng Kongreso.

“Tutol kami sa pagwawaldas ng bilyun-bilyong piso sa di kinakailangang paglipat sa distritong pangnegosyo sa BGC (Bonifacio Global City sa Taguig), kung saan ang halaga ng propyedad ay umaabot sa halos ₱1 milyon kada kwadrado metro,” pahayag ni Rep. Castro noong Hunyo 14. “Mariin naming itinatakwil ang panukala na ilipat din ang House of Representatives sa BGC.”

Aniya, ang kasalukuyang pwesto ng Kongreso sa Batasan Hills ay sapat na para sa mga pangangailangan nito. Gayundin, karamihan sa mga empleyado nito ay nakatira malapit o sa paligid ng compound nito. Ang paglilipat ng Kongreso sa BGC ay mangangahulugan ng pagtaas ng kanilang mga gastusin. Mayorya sa mga empleyado ay tutol sa ipinapanukalang paglilipat.

Sumambulat ang usapin ng napakamahal na konstruksyon ng NSB nang isinapubliko ng bagong presidente nito na si Sen. Chiz Escudero na aabot sa ₱23 bilyon ang kailangan bago ito matapos. Nasa ₱8.9 bilyon lamang ang orihinal na halaga ng proyekto. Ipinag-utos ni Escudero na isuspinde ang konstruksyon at repasuhin ang proyekto.

Sa huling mga ulat, napag-alaman na ang ₱3.1 bilyong nagastos sa pagtatayo ng unang bahagi ng gusali ay nakakategoryang “lump sum” o walang detalyadong pagtutuos. Pinalalakas nito ang duda ng malawakang anomalya sa proseso ng pagbili ng mga materyales at iba pa.

Sinimulan ang konstruksyon ng NSB noong Marso 2019 sa ilalim ng Department of Public Works and Highways. Pangunahing kontraktor nito ang Hilmarc’s Construction Corporation, ang kumpanyang dating nasangkot sa pagtatayo ng kontrobersyal na Makati City Hall 2 parking building noong 2014. Ang pagbubukas ng imbestigasyon sa proyekto ay muling nagpasiklab sa ribalan ng mga dinastiyang pulitikal ng mga Cayetano ng Taguig at mga Binay ng Makati.

Si Sen. Panfilo Lacson ang unang nagpakana ng pagtatayo ng mamahaling NSB noong 2017 sa tabing ng pangangailangan para sa dagdag na espasyo at abanteng mga pasilidad. Itinayo ang dambuhalang mga gusali bilang “paghahanda” sa pagkakaroon ng 65 senador alinsunod sa itinutulak noon ng rehimeng Duterte na paglilipat sa sistemang pederal na paggugubyerno.

AB: Bilyong gastos sa pagtatayo ng bagong gusali para sa Senado, binatikos