Balita

Bumenta na yan!

Mala-teleseryeng pamumulitika ng mag-amang Duterte

Sa kabila ng pananalasa ng pandemyang Covid-19 sa bansa, patuloy ang madramang pamumulitika ng mag-amang Duterte. Lalong nagiging mala-teleserye ang palabas na ito habang papalapit ang 2022 eleksyong presidensyal.

Sa pinakahuling eksena nito, hindi na raw tatakbo si Davao City Mayor Sara Duterte sa anumang pambansang pusisyon sa 2022 eleksyong presidensyal. Sa halip, tatakbo na lamang daw siya bilang reeleksyunistang meyor (sa ikatlong termino), ayon sa kanyang tagapagsalita na si Mayor Christina

Garcia-Frasco ng Liloan, Cebu.

Ipinahayag ng nakababatang Duterte ang kanyang “pag-atras” isang araw makalipas na tanggapin ng kanyang amang si President Rodrigo Duterte ang nominasyon bilang kandidato para sa bise-presidente ng Partido Demokratiko Pilipino-Laban ng Masa (PDP-Laban)-paksyong Alfonso Cusi noong Setyembre 8.

Katambal ni President Duterte ang matagal niyang utusang si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na pinili niyang tumakbo sa pagka-pangulo. Ito ay sa kabila ng hindi pagtanggap ni Go sa nominasyon ng paksyong Cusi.

Ngunit ibinunyag ni Mayor Duterte noong huling mag-usap silang mag-ama na matutuloy ang “Plan A”– ang tambalang Go-Rodrigo Duterte. Ang “Plan B” naman ay ang pagtakbo ni Go bilang bise-presidente ni Sara.

Sa kanyang mensaheng text sa midya, nag-aastang may “delikadeza” (o hiya) ang nakababatang Duterte. Anya, hindi siya tatakbo sa anumang pambansang pusisyon dahil may usapan silang mag-ama na iisa lamang sa kanila ang tatakbo sa pambansang pusisyon sa 2022.

Dalawang bagay ang posibleng mahinuha rito. Una, tila nagpapahiwatig ng sama ng loob si Sara sa “pinal” na desisyon ng kanyang ama na kumandidatong bise-presidente. Pangalawa, ibig niyang ipakita sa publiko na may “independenteng paninindigan” siya at hindi siya basta-bastang didiktahan ng kanyang ama.

Halimbawa nito ay ang sagot niya sa midya kung susuporta ba ang kanyang panrehiyong partido, ang Hugpong ng Pagbabago (HNP), sa PDP-Laban-paksyong Cusi. “Wala silang makukuhang suporta mula sa akin,” sabi ni Sara Duterte. Noong eleksyong 2019, todo-buhos ang suporta ng HNP sa PDP-Laban.

Gayunpaman, hindi pa matutuldukan ang proyektong “Run, Sara, Run.” Marami pang liko’t ikot at sorpresa ang kwentong ito kagaya ng mga dramang inaabangan ng madla sa radyo’t telebisyon. Sabi nga ng isang gubernador sa rehiyon ng Davao, marami pang pwedeng mangyayari dahil malayo pa ang eleksyon. Habang nagsasalita siya ay makikita sa kanyang likuran ang tarpaulin na may nakasulat na “Run Duterte Bong Go” “SBG Supporter” o “Sara, Bongo Go Supporter”.

Maaalalang noong 2016 eleksyong presidensyal, ilang beses na sinabi ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hindi siya tatakbo sa pagkapangulo. Magreretiro na raw siya dahil matanda na siya. Grabe ang pagpapakipot niya gayung naglilipana ang mga poster at tarpaulin sa mga pangunahing kalsada sa bansa na nananawagang tumakbo si Duterte sa pagka-pangulo. Isang kaalyado, at ngayon isa sa mga undersecretary ng DILG na si Martin Diño, ay nag-file ng kandidatura para sa pagka-presidente. Alinsunod sa kanilang planadong laro, bigla na lamang na lumiban si Diño at ang pinalitan siya ni Duterte bilang kandidato.

Ganito rin ang ginagawang taktika ngayon ng mga Duterte. Nagsimula ang kampanyang “Run, Sara, Run” noong nakaraang taon. Nakaabot na ito sa 27 lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila at Kalayaan Group of Island sa West Philippine Sea. Naglipana sa iba’t ibang mga syudad sa buong bansa ang nagkakalikang billboard, istrimer at kung anu-ano pang palamuting pang-eleksyon na naglalaman ng kanyang mukha at pangalan. May mga lugar na matatagpuan sa halos bawat kanto ang kanyang pagmumukha.

Nitong huli, sa isang programang magbibigay ng ayudang pampinansya ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga bayan ng Isabela, naglipana ang mga poster at tarpaulin, at ang libu-libong dumadalo ay nakasuot ng berdeng T-shirt na na kulay ng “Run, Sara, Run”. Isang araw bago ang pamimigay ng ayudang pampinansya ay tadtad na ng poster at tarpaulin na may litrato ni Sara Duterte ang mga auditorium at mga kalye.

May basbas ba ng DOLE ang mga naglilipanang poster at tarpaulin at ang pagsusuot ng berdeng damit? Walang kumpirmasyon ang DOLE sa katanungang ito. Pero noong Setyembre 8 sa pambansang kumbensyon ng PDP-Laban-paksyong Cusi sa Pampanga, hinirang si DOLE Sec. Silvestre Bello III na isa sa inisyal na walong kandidato sa pagka-senador nito. Malinaw kung gayon na ang ayudang pampinansya ng DOLE at ang mga poster at tarpaulin ng litrato ni Sara Duterte ay magkaugnay at koordinado sa Malacañang at mga ahensya sa ilalim nito. #

AB: Bumenta na yan!