News

Buwis sa yaman ng mga bilyunaryo, ipinanukala sa Kongreso

Ipinanukala ng mga kinatawan ng blokeng Makabayan noong nakaraang linggo ang House Bill No. 10253 para patawan ng karagdagang buwis ang pinakamayayamang kapitalistang mayroong hindi bababa sa ₱1 bilyong halaga ng ari-arian. Nakasaad sa panukala na bubuwisan ng 1% ang pag-aari ng mga kapitalistang may halaang ₱1 bilyon, habang tig-2% at 3% naman ang may ari-ariang higit sa ₱2 bilyon at ₱3 bilyon.

Ayon sa mga kongresista, umaabot sa ₱236.7 bilyon ang maaaring malikom ng estado kada taon mula pa lamang sa buwis sa 50 pinakamayayamang kapitalista sa bansa. Anila, sa loob ng mahabang panahon, buwis sa mga produktong pangkonsumo na pinapapasan sa mamamayan ang ipinapataw ng estado, habang ni minsan ay hindi ito nagpataw ng buwis sa yaman ng mga kapitalista. Layunin ng panukala na tugunan ang lumalawak na agwat sa pagitan ng pinakamayayaman at pinakamahihirap sa bansa na lalong umigting sa panahon ng pandemyang Covid-19.

Sa kasagsagan ng pandemya noong nakaraanga taon, lumaki nang 30% tungong ₱4 trilyon ang kabuuang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino, habang 17 sa kanila ang nakapasok sa listahan ng Forbes ng pinakamayayamang kapitalista sa buong mundo. Nasa 0.8% lamang ng mga pamilyang Pilipino na kumikita nang ₱140,000 hanggang ₱8 milyon kada buwan ang inaasahang maaapektuhan ng batas. Sa kabilang banda, 29% ng mga pamilyang Pilipino ang nabubuhay sa badyet na ₱10,000 o mas mababa pa kada buwan. Patuloy na binabarat ang sahod ng mga manggagawa samantalang patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

AB: Buwis sa yaman ng mga bilyunaryo, ipinanukala sa Kongreso