CERNET, ipinagtanggol ng internasyunal na mga organisasyon

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mariing kinundena ng Aktionsbündnis Menschenrechte-Philippinen (AMP o Action Network Human Rights Philippines) ang gawa-gawang mga kaso laban sa bago at dating mga myembro ng Community Empowerment Resource Network (CERNET) na walang batayang pinaratangan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na sangkot sa “terrorism financing.”

“Walang batayan, at animo’y nakatuon sa pagdungis sa reputasyon ng CERNET at pagpapatigil ng mga operasyon nito” ang mga kasong isinampa sa kanila, ayon sa pahayang ng AMP kahapon, Hunyo 4.

“Sa kabila ng kinikilala nilang gawain, matagal nang inakusahan ang CERNET na sumusuporta sa insurhensyang komunista sa Pilipinas,” pahayag nito. “Ang ganitong Red-tagging, o pagbabansag sa mga indibidwal o organisasyon bilang “terorista,” ay komun na estratehiya ng mga pwersang seguridad ng Pilipinas para pigilan ang progresibong mga organisasyon at mga tauhan nito na isagawa ang kanilang mga gawain.” Bago isinampa ang mga kaso, ni-Red-tag sa isang press conference ng militar at pulis sa Dumaguete City noong Abril 30 ang CERNET.

Kaugnay nito, labis na ikinababahala ng AMP ang paggamit sa batas ng anti-money laundering at kontra-terorismo laban sa mga NGO (non-government organization) at mga aktibista.

“Matapos malagay ulit sa ‘grey list’ ng Asia/Pacific Group on Money Laundering (APG) noong Pebrero 2024, animo’y naprepresyur ang gubyerno ng Pilipinas na magpakita ng pag-usad sa prosekusyon ng mga kaso ng money laundering at terrorism financing,” ayon sa grupo. “At, bunga nito, itinutulak ng gubyerno ang pag-crackdown sa mga civil society organization.”

Nanawagan ito na ibasura ang gawa-gawang mga kaso, at imbestigahan ang mga pasimuno ng Red-tagging at pagsasampa ng gayong mga kaso.

Ang AMP ay inisyatiba ng pitong mayor na mga organisasyon ng taong-simbahan at para sa karapatang-tao na nakabase sa Cologne, Germany. Kasapi nito ang Amnesty International Germany, Brot für die Welt, International Peace Observers Network (IPON), MISEREOR, Missio Munich, philippinenbüro e.V., at the United Evangelical Mission (UEM).

AB: CERNET, ipinagtanggol ng internasyunal na mga organisasyon