Charter change, muling pinabubwelo ng pangkating Marcos
Tusong inilulusot ng mga kongresistang alyado ng rehimeng Marcos Jr ang pakanang charter change o pagbabago sa konstitusyon sa pamamagitan ng “people’s initiative” o pagkalap ng mga pirma para rito. Ibinunyag ng mga progresibong kongresista ng blokeng Makabayan ang paglipana ng gayong pakana sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pangunahing laman ng petisyon ang pagsingit ng probisyon kung saan maaaring ipasa ang anumang amyenda sa konstitusyon sa pamamagitan ng pagboto ng 3/4 ng pinagsanib na Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso. Ibig sabihin, boboto bilang isang kapulungan ang lahat ng mga senador at kongresista, at bawat senador at kongresista ay may tig-iisang boto.
Ayon sa dating kinatawan ng Bayan Muna na si Neri Colmenares, epektibong tatanggalin ng probisyong ito ang “checks and balance” sa pagitan ng mga institusyon ng estado na nakasaad sa konstitusyon. Labag din ito sa bicameral na katangian ng gubyerno ng Pilipinas. Gagawin nitong “tagamasid” lamang ang Senado sa proseso ng pagbabago ng konstitusyon dahil mas marami ang mga myembro ng Mababang Kapulungan. Pantay ang awtoridad ng Kongreso at Senado sa pagpasa ng mga batas, kahit malayong mas maliit ang bilang ng mga senador.
Ilang dekada nang nagtatangka ang bawat naghaharing pangkatin na nakaupo sa poder na baguhin ang konstitusyon para palawigin ang sarili sa pwesto (term extension), palabnawin ang mga probisyong nangangalaga sa karapatang-tao at lubusang tanggalin ang natitirang probisyong nagpuprotekta sa lokal na ekonomya laban sa dayuhang pandarambong. Matagal nang itinutulak ng American Chamber of Commerce ang pagbabago sa konstitusyon. Hindi kaiba ang rehimeng Marcos Jr na una nang nagtangkang maglusot ng charter change noong nakaraang taon. Hindi bumwelo ang panukala dahil sa oposisyon dito ng mga senador.
Unang ibinunyag ni Rep. Lagman ang tusong pakana ng mga kongresistang kaalyado ni Marcos noong Enero 7. Napag-alaman niya na nagpatawag ng pulong ang League of Mayors sa Albay noong Enero 5. Dito binigyan ng pondo ang mga meyor para mangalap ng pirma ng di bababa 3% rehistradong botante sa kani-kanilang mga distrito. Bibigyan ang sinumang pipirma ng ₱100.
Bago nito, inianunsyo ni House Speaker Martin Romualdez ang “intensyon” ng Kongreso na baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng people’s initiative. Kinwestyon ni Lagman, gayundin ng blokeng Makabayan ang pagsingit ni Romualdez at kanyang mga kasapakat ng dagdag na ₱12 bilyon sa dating ₱2 bilyong badyet ng Commission on Elections (Comelec) na aniya’y may kaugnayan sa planong pagratsada sa charter change ngayong taon.