CHR: Posibleng sadya ang pagpaslang sa “kampanya kontra-droga”
Ipinunto ng Communission on Human Rights (CHR) sa ulat nito kahapon na posibleng sadya ang mga kaso ng pagpaslang sa ilalim ng “kampanyang kontra droga” ng rehimeng Duterte. Bagamat walumpu’t siyam na biktima lamang sa mga kaso na nirepaso nito ang may impormasyon kaugnay ng mga sugat at pinsalang kanilang natamo, kalakhan sa kanila ay binaril sa dibdib, katawan, at tiyan. Ang lugar ng mga tama ng balata ay palatandaan na sinadya silang patayin. Ang ilang biktima ay nakitaan din ng palatandaan na hinampas ng mabigat na bagay, at ng mga pinsala at sugat.
Ayon sa CHR, sa kabuuan ay nakapagtala ito ng 576 insidente at 870 biktima ng pagpaslang sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon mula nang magsimula ang naturang kampanya noong 2016 hanggang Pebrero 2020.
Sa mga biktima, hindi bababa sa 71 ang kababaihan at 24 ang menor de edad. Tinatayang 451 insidente ay bahagi ng mga operasyon ng mga pulis na nagresulta sa pagpaslang sa 705 biktima, habang 104 ang isinagawa ng hindi pa nakikilalang mga salarin at 24 naman ang walang sapat na impormasyon.
Sa bilang na ito, ipinalabas ng pulis na 466 sa mga biktima ang nanlaban. Nasa 2% lamang o 11 indibidwal ang nakaligtas mula sa mga insidente ng “panlalaban.”
Naobserbahan din ng komisyon sa 77 sa 90 ulat ng pulis ang pagrekomenda sa pagbibigay ng gantimpala, pabuya at pagkilala sa mga operatibang sangkot sa mga pagpaslang. Hindi rin nagtugma ang ilang ulat sa mga pahayag ng mga testigo na nanlaban ang mga biktima. Ayon pa sa komisyon, iniulat ng mga testigo na nasa kustodiya na ng pulis ang ilang biktima nang sila ay paslangin.
Inamin ng CHR na konserbatibo ang datos na ito dahil limitado lamang ang kanilang pag-aaral sa rekord ng mga imbestigasyon at ulat na ipinapasa sa komisyon. Dagdag pa, nahihirapan ang komisyon sa pag-akses ng mga rekord ng pulisya kaugnay sa naturang mga kaso. Noong nakaraang linggo, una nang nagpahayag ng pagkabahala ang Public Interest Law Center dahil “ang mga kasong ito ay maaaring sinala na, at posibleng pinili na nang paisa-isa.”
Ayon sa konserbatibong taya ng Philippine Drug Enforcement Agency noong nakaraang buwan, umabot na sa 6,191 indibidwal ang pinaslang ng mga pulis sa mga “operasyong kontra droga,” mula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 31, 2021, habang 307,521 naman ang inaresto. Hindi pa kasama dito ang pinaslang ng mga grupong vigilante at death squad ng rehimen.