News

Colmenares, inendorso ng 1Sambayan; Robredo, sinuportahan ng Makabayan

Pormal na nagdeklara ang 1Sambayan, isang koalisyon ng oposisyon sa pulitika, ng pagsuporta kay Atty. Neri Colmenares, dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist at lider ng Koalisyong Makabayan, sa kanyang pagtakbo bilang senador sa darating na eleksyon sa Mayo 2022. Isinagawa ang pag-anunsyo kagabi. Kasabay nito, nagdeklara ang Makabayan ng pagsuporta sa pagtakbo ni Vice President Leni Robredo at Sentor Kiko Pangilinan bilang presidente at bise presidente.

“Masaya ako na nagbunga ang ating pagsisikap. Isang malaking karangalan sa akin na mapili bilang isa sa mga senatorial candidates ng 1Sambayan,” ayon kay Colmenares sa isang talumpati ng pagtanggap sa nominasyon. Idinagdag din nito na sa suporta ng 1Sambayan ay kayang-kaya nitong maging tapat na boses ng karaniwang tao sa Senado.

Inilahad ni Colmenares ang kanyang mga plataporma sakaling manalo sa pagka-senador. Aniya, isusulong ng Makabayan ang batas para sa libreng serbisyong pangkalusugan para gawing libre ang pagpapa-ospital sa lahat ng pampublikong ospital. Isusulong rin niya ang pagwawakas sa ENDO o end-of-contract at pagpapatupad ng isang pambansang minimum na sahod para sa mga manggagawa at tunay na repormang agraryo sa mga magsasaka.

Ang 1Sambayan ay nabuo noong Marso 2021 bilang koalisyong ng mga organisasyon at indibidwal na tutol sa paghahari ni Rodrigo Duterte na nagkakaisa sa layuning gapiin ang kanyang pangkatin sa 2022. Kabilang sa mga tagapagtatag nito si Ret. Supreme Court Justice Antonio Carpio.

Isang araw bago magsimula ang buong linggong pagsusumite ng mga papeles bilang kandidato sa eleksyong 2022, pinili ng koalisyong 1Sambayan bilang kandidato pagkapresidente ang kasalukuyang bise presidente na si Leni Robredo. Inanunsyo ito sa midya ni Retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, isa sa mga convenor o tagapulong ng 1Sambayan, noong Setyembre 30.

Ayon kay Carpio ang desisyon ng 1Sambayan ay nakabatay sa mga sukatan tulad ng integridad, kakayahan, track record, patriyotismo, pananaw para sa bayan at ang posibilidad na mananalo. Nanguna si Robredo sa botohang isinagawa ng mga convenor ng 1Sambayan. Sa kabila ng mga pagkakaiba sa mga pananaw sa mga usaping panlipunan, pampulitika at relihiyon sa hanay ng mga kasapi ng 1Sambayan, nagkaisa silang dapat iisa lamang ang kandidato para sa presidente upang kalabanin ang sinumang magiging kandidato ng rehimeng Duterte.

Kasabay ng pagtanggap ni Colmenares sa nominasyon ng 1Sambayan kahapon, ipinabatid na rin nito at ng buong Koalisyong Makabayan ang pagsuporta sa kandidatura ni Robredo at Pangilinan. Ayon kay Colmenares, ang mga ito ay sa batayan ng nagkakaisang pusisyon sa mga usapin kaugnay ng pandemic response; pag-angat ng kabuhayan ng mga manggagawa, magsasaka, maralita at katutubo; mga isyung pangkalikasan; pagtaguyod ng human rights at tunay na kapayapaan, at soberanya sa West PH Sea at buong kapuluan.

Malugod na sinalubong ni Renato Reyes, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan, ang pagpapabilang kay Colmenares sa listahan ng 1Sambayan at pagpapahayag ng suporta ng Makabayan sa tambalang Robredo-Pangilinan.

“Isa itong mahalagang pagsulong sa pagbubuklod ng lahat ng demokratikong pwersa para talunin ang mga Marco at Duterte. Binibigyan nito ng pag-asa ang bayan para sa makabuluhang reporma sa harap ng tumitinding krisis,” pahayag ni Reyes.

Samantala, itinutulak ng mga pambansa-demokratikong organisasyon na maipabilang rin si Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno at kandidato sa pagkasenador, sa listahan ng mga susuportahan ng 1Sambayan. Si Labog ay kilalang kampyon ng mga manggagawa at nagsusulong ng pagwawakas sa kontraktwalisasyon at pagtataas ng sahod.

Inilahad naman ng koalisyong Makabayan sa kanilang press conference ngayong araw, Enero 29, ang mga batayan at kundisyon ng kanilang pag-endorso sa tambalang Robredo-Pangilinan. Anila, “ang mga komon na tindig sa isyu, ang track record ng mga kandidato at ang napakahalagang laban na biguin ang tambalang Marcos-Duterte” ang mga naging batayan paraa suportahan ang dalawa.”

Mahalaga para sa grupong oposisyon ang pag-endorsong ito bilang simbolo ng pagkakaisa ng paglaban ng iba’t ibang grupo at sektor sa tangka ng mga Marcos at Duterte na manumbalik sa Malacañang. Ayon sa Makabayan, kinakatawan nila (Robredo at Pangilinan) ang pinakamahusay na tsansa para biguin ang tambalang ito.

Inihanay ng Makabayan ang sampung kumon na tindig ng koalisyon at ng tambalang Leni-Kiko. Kabilang dito ang pagpapatupad ng siyentipiko at makataong pagtugon sa pandemya, ang pagsusulong karapatan ng mga manggagawa at paglaban sa endo at karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Mahalaga rin sa koalisyon ang pagtindig ng tambalan laban sa paglabag sa karapatang-tao, ang kanilang paninindigan para sa pambansang soberanya at karapatan sa West Philippine Sea. Suportado rin nila ang hangarin ng dalawa na rebyuhin ang mga kaso ng mga matatanda at maysakit upang mapalaya sa batayang makatao (humanitarian) at ang pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN. Kumon din sa kanilang tindig ang pangangalaga sa kalikasan, katutubo, magsasaka at mangingisdang Pilipino, sa pamamagitan ng pagrebyu at parebisa ng mga patakaran at batas sa pagmimina, pagrebyu sa mga kaso ng pagsasara at muling akreditasyon ng mga paaralang Lumad. Kapwa rin silang nagsusulong ng usapang pangkapayapaan at pagpapanagot sa mga matataas na upisyal na sangkot sa mga paglabag sa karapatang-tao at pandarambong at pagpapahintulot sa International Criminal Court para usigin si Duterte at iba pang kasapakat nito. Itinutulak din nila ang mga repormang elektoral at pulitikal upang malabanan ang pag-abuso sa kapangyarihan at mabigyan ng partisipasyon at boses ang mamamayan.

Inilinaw naman ng Makabayan na, “hindi sa lahat ng bagay ay magkakasundo kami…pero bukas na pag-usapan ang mga usapin at abutin ang kaisahan para sa kapakanan ng bayan.”

 

AB: Colmenares, inendorso ng 1Sambayan; Robredo, sinuportahan ng Makabayan