Dagdag na mga pabor at insentiba para sa dayuhang negosyo, inendorso ni Duterte sa gitna ng kawalang trabaho at pagbagsak ng mga lokal na negosyo
Balita kahapon ang pagdeklara ni Rodrigo Duterte na “urgent” o kagyat ang tatlong panukala na mag-aamyenda sa mga batas na nagreregularisa sa dayuhang pamumuhunan sa bansa. Alinsunod sa kanyang pahayag, nais niyang iratsada ang mga pagbabago sa Public Service Act, Foreign Investment Act at Retail Trade Liberalization Act. Ang mga panukalang ito ay magtatanggal sa pagbabawal sa dayuhang kapital na buong magmay-ari ng mga negosyo at serbisyo na nakareserba para sa mga Pilipinong negosyante.
Ang anunsyong ito ay tugon ng rehimen sa pagtutulak ng mga dayuhang negosyante para ibukas ang nalalabing sektor na hindi pa nakabukas para sa kanilang pandarambong. Hindi pa natuwa ang mga ito sa pagkakapasa ng batas na Create kung saan ibaba ang babayarang buwis ng malalaking kumpanya. Ginawa ito sa gitna ng pagbagsak ng ekonomya, malawakang kawalan ng trabaho at maramihang pagkamatay ng mga lokal na negosyo. Noong Oktubre 2020, tinatayang 70% ng maliliit na lokal na negosyo ang nagsara dulot ng kawalan ng kita. Ang tantos na ito ay pinakamalaki sa buong Asia.
Isang araw bago ang anunsyo ni Duterte, naglabas ng pinag-isang pahayag ang pitong asosasyon ng mga dayuhang negosyante para itulak ang Kongreso na iratsada ang pag-amyenda sa tatlong batas, kasabay ng pagsasabatas sa Open Access to Data Transmission Act, Creative Industries Act at eVehicle and Charging Stations Act. Ipinagpilitan din ng mga ito ang Resolution of Both Houses 2, ang panukalang magbibigay awtoridad sa Kongreso na baguhin ang mga probisyon sa Konstitusyon na nagtataglay ng nalalabing proteksyon sa lokal na negosyante.
Ang nabanggit na mga panukala, kasama ang batas na Create, ay paulit-ulit nang nilalabanan ng mamamayan dahil nagbibigay-daan lamang ang mga ito sa pagkamal ng supertubo ng malalaking dayuhang kapitalista sa kapinsalaan ng mga lokal na negosyo at manggagawang Pilipino.
Ang pinag-isang pahayag ay pinarmahan ng mga asosasyon ng negosyo ng US, Australian-New Zealand, Canada, Europe, Japan, Korea; mga dayuhang may-ari ng business process outsourcing (call center) at mga importer/eksporter ng damit, semiconductor at elektroniks.