Dalawang pistola, nasamsam ng BHB sa isang ambus

Inambus ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros ang mga elemento ng 47th IB sa Sitio Camboguiot, Barangay Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental noong Nobyembre 24. Napatay sa ambus ang dalawang sundalo na pangunahing sangkot sa gawaing paniktik laban sa hukbong bayan.

Nasamsam ng BHB mula sa kanila ang dalawang kalibre .45 pistola, mga bala, tatlong magasin, dalawang selpon at isang granada.

Ang naturang yunit paniktik ay sangkot sa panggigipit at pananakot sa mga pamilya ng mga Pulang mandirigma at iba pang pinararatangan nilang tagasuporta ng hukbong bayan. Labag sa internasyunal na makataong batas ang panggigipit sa mga sibilyan at hindi sangkot sa armadong tunggalian.

Direktang responsable rin ang dalawa sa pagpaslang kay Ka Bred, isang Pulang mandirigma, sa Sityo Cambaldez, Barangay Maricalum sa parehong syudad noong Marso 2019.

Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng yunit ng BHB, magsisilbing babala ang armadong aksyon sa mga espiya at aset paniktik ng AFP at PNP. Ani Guerrero, kailangang silang pagbayarin sa perwisyong dulot nila sa buhay, kabuhayan, panlilinlang at sapilitang “pagpapasurender” sa mga mamamayan, at lalo na sa dumaraming kaso ng EJK,” dagdag pa niya.

“Dulot ng walang tigil na militarisasyon sa kanayunan, wala nang iba pang patutunguhan ang mamamayan kundi ang kanilang armadong hukbo. Hustisya ang isinisigaw ng mamamayang numero unong biktima sa terorismo ng reaksyonaryong estado,” pahayag ni Ka Andrea.

AB: Dalawang pistola, nasamsam ng BHB sa isang ambus