Danyos para sa mga biktima ni Marcos Sr, ibigay na!
Nagtungo kahapon, Agosto 11, ang mga biktima ng batas militar ng diktadurang US-Marcos I sa Kongreso para samahan ang mga progresibong mambabatas ng blokeng Makabayan sa paghahain ng panukala para sa reparasyon o pagbabayad ng danyos sa mga biktima ng batas militar.
Muli nilang inihain ang House Bill No. 3505 na naglalayong kilalanin at bigyan ng kumpensasyon ang lahat ng biktima ng batas militar.
Ayon kay Danilo de la Fuente ng grupong Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), higit 75,000 mga biktima ang dumulog sa Human Rights Victims Claims Board (HRVCB) para kilalanin sila at makatanggap ng reparasyon pero 11,103 lamang ang kinilala at binigyan ng danyos. Naisabatas noong 2013 ang pagbibigay bayad-pinsala sa mga biktima. Sinara ang ahensya noong May 12, 2018 na marami pa ang walang natanggap.
“Ilang libo ang hindi kinilala at binigyan ng kompensasyon sa kabila ng malinaw na mga ebidensya,” dagdag ni de la Fuente. Ang pag-aantala ng gubyerno at pagbalewala ay nagpapatindi sa sakit at pagdurusang dulot ng mga paglabag sa kanilang karapatan noong panahon ng diktadura, aniya.
Para kay Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, ang mga biktima ng batas militar ang patunay na hindi “tsismis” ang malagim na bahagi ng kasaysayan ng bansa. “Totoong mga tao po sila, hindi gawang-gawang kwento yung mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng madilim at madugong martial law ni Marcos Sr.”
Sa pagsasadokumento ng Amnesty International, nakapagtala ito ng 3,257 extrahudisyal na pagpaslang, 35,000 biktima ng tortyur, 77 sapilitang iwinala, at 70,000 ang ipinakulong noong panahon ng diktadura. Mamarkahan sa darating na Setyembre 21 na ang ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng batas miltiar sa bansa.
Kabilang sa mga nagtungo sa Kongreso sina Satur Ocampo, lider ng Bayan Muna at biktima ng batas militar, at si Edith Castro, kasapi ng SELDA na hindi kinilala at binigyan ng reparasyon sa nagdaang batas.
“Lubha na kaming nagdusa bilang biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao. Dinadala namin ang pait at troma sa halos kalahating siglo na ngayon… Para pagdusahan namin ang kahirapan sa pagbibigay ng mga requirement para sa batas para lamang isaisanntabi ay dobleng pasakit sa’min,” ayon kay Castro.
Samantala, sinabi naman ni dela Fuente na alam nilang mahirap na laban ito ngayon lalupa at nakaupo sa poder ang anak ng yumaong diktador.