Dating tagapagsalita ng NTF-Elcac, "guilty" sa "indirect contempt" dulot ng pangre-Redtag
Isinapubliko kahapon, Pebrero 28, ang hatol ng Korte Suprema na “guilty” sa “indirect contempt” ang dating tagapagsalita ng NTF-Elcac na si Lorraine Badoy-Partosa dulot ng pangre-Red-tag niya sa isang husgado noong 2022.
Ang hatol ay kaugnay ng pambabanta ni Badoy kay Judge Marlo Magdoza-Malagar, husgado ng Manila Regional Trial Court, na nagbasura sa kasong isinampa ng Department of Justice para ideklarang terorista ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.
Ayon sa desisyon, ang mga post o ipinaskil noon ni Partosa sa kanyang social media account laban kay Malagar ay “improper conduct” na direkta o di direktang naging sagabal, humarang at nagmaliit sa paghahatid ng hustisya.” May petsang Agosto 15, 2023 ang desisyon ng korte na isinulat ni Associate Justice Marvic Leonin.
“Ang kanyang malinaw na pagbabanta laban kay Judge Magdoza-Malagar at sa ibang myembro ng hudikatura ay nagpapakita ng kanyang walang dudang intensyon na manloko,” ayon sa desisyon. “Sa kanyang mga aksyon, inilagay niya sa alanganin ang hudikatura sa paghikayat ng duda at kawalang-tiwala dito at pinahina (niya) ang kumpyansa ng publiko sa integridad, at kawalang-kinikilingan ng mga huwes.”
Pinagmulta si Partosa ng ₱30,000. Binalaan din siyang papatawan ng mas mabigat na parusa kung uulitin niya ang aksyon.
Hindi bababa sa 14 pang kaso ng Red-tagging ang kinakaharap ni Partosa. Pinakahuling nagsampa ng kaso laban sa kanya at kanyang kasabwat na Red-tagger na si Jeffrey Celis ay ang mamamahayag na si Atom Araullo. Pinakauna sa mga nagsampa ang Ibon Foundation na naghain ng administratibong reklamo laban sa kanya, kay Celiz, General Parlade, at Hermogenes Esperon noong Pebrero 2020.