Dayalogo sa DepEd at DBM, naitulak ng mga guro

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inihapag ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang matagal nang kahingian ng mga guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon sa naging dayalogo nila sa kalihim at mga upisyal ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) kamakailan. Kabilang sa mga usaping inihapag nila ang kagyat na pangangailangan para sa dagdag-sweldo at mga naantalang benepisyo para sa kanila.

Noong Hulyo 18, nakipag-usap ang mga lider ng ACT, mga lokal na unyon nito, at ang ACT Teachers Partylist kay DBM Secretary Pangandaman. Napag-alaman ng mga guro sa naturang dayalogo na posible ang dagdag-sweldo ngayong 2024 sa bisa ng Salary Standardization Law (SSL) VI na may pondong ₱40 bilyon. Ipatutupad ito na “retroactive” o kasali ang mga buwang lumipas na ngayong 2024.

Umalma dito si ACT Teachers Partylist Chairperson Antonio Tinio. Aniya, hindi sasapat ang badyet na ito para sa matagal nang panawagan ng mga guro na ₱50,000 entry-level pay para sa mga guro at ₱33,000 para sa mga Salary Grade (SG) 1 na mga empleyado at SG16 para sa mga Instructor 1.

Tinalakay rin sa dayalogo ang pagbibigay ng labis nang naantalang Performance-based Bonus (PBB) para sa 2022 at 2023. Wala pa mang katiyakan kung kailan ilalabas ang mga bonus na ito, naigiit ng mga guro na hindi na kakailanganin ng Individual Performance Commitment Forms (IPCRF) na rekisito ng DepEd para makatanggap ng bonus.

Pinag-usapan rin sa dayalogo ang mga itinakdang panuntunan sa pagbibigay ng promosyon sa mga guro at iba pang manggagawa sa sektor ng edukasyon. Inihapag din nila ang panawagan sa rehimeng Marcos na doblehin ang badyet sa edukasyon para maabot ang internsyunal na istandard na 6% ng gross domestic product (GDP). Idiin nila ang tuluyan nang pagbabasura, at hindi lamang suspensyon, sa dagdag-trabaho at pahirap lamang na Results-Based Performance Management System (RBPMS) at Performance-Based Incentive System (PBIS).

Samantala, nakipag-usap ang mga guro kay DepEd Sec. Sonny Angara noong Hulyo 10. Kasunod ito ng kanilang isinagawang piket sa tapat ng upisina ng kagawaran sa Pasig City. Inihapag nila sa kalihim ang mga susing usapin na kinahaharap ng mga guro at ng sektor ng edukasyon.

Ayon sa mga grupo, itutuluy-tuloy nila ang kanilang pagsusulong at paggigiit sa karapatan ng mga guro at nasa sektor ng edukasyon laluna sa harap ng papalapit na ikatlong State of the Nation Address ni Marcos Jr at pagbubukas ng taong panuruan 2024-2025 sa Hulyo 29.

AB: Dayalogo sa DepEd at DBM, naitulak ng mga guro