Balita

Dayuhang kumpanyang sangkot sa dayaan at mga anomalya, kinontrata ng Comelec para sa 2025

Iginawad ng Commission on Elections kahapon, Pebrero 22, ang kontrata para sa pag-upa ng mga makina na gagamitin sa eleksyong 2025 sa Miru Systems Co. Ltd., isang kumpanyang South Korean. Ito ay matapos pagbawalan nito ang Smartmatic—na ginamit sa nakaraang mga elektronikong eleksyon—dulot ng sumulpot na kaso ng panunuhol sa isang dating komisyuner ng Comelec na isinampa sa US.

Ang Miru ang kaisa-isang kumpanyang nagsumite ng panukala para sa kontrata, matapos hindi pahintulutan ang dalawa pang kumpanya bago pa makapag-bid ang mga ito.

Sa gayon, manggagaling sa Miru System ang lahat ng gagamiting materyal sa eleksyon, kabilang ang 110,000 automated counting machine, sistema ng pagbibilang ng boto at pagbabato ng mga resulta mula sa mga presinto. Ang kumpanya na rin ang mag-iimprenta ng mga balota, gagawa ng mga ballot box at iba pang kagamitang pang-eleksyon. Nagkakahalaga ang kontrata ng ₱18 bilyon.

Maraming kinasangkutang anomalya ang Miru Systems sa mga bansang gumamit ng mga makina nito. Kabilang dito ang pagpalya ng mga makina at mga kaso ng anomalya, pandaraya at iba pang iregularidad.

Sa kakatapos lamang na eleksyon sa bansang Congo noong Disyembre 2023, tinawag na mga “makina ng pandaraya” ang mga makina ng Miru. Halos kalahati (41%) ng mga presinto ang nag-ulat ng pagpalya ng mga makina sa araw ng eleksyon. Sa gayon, idineklarang palpak ang buong eleksyon ng bansa. Bago at pagkatapos nito, hindi nakakuha ng suporta mula sa mga internasyunal na tagamasid ang kumpanya. Iniatras ng estado ng South Korea ang pagtulong sa eleksyon matapos ang mga anomalyang naungkat sa Miru. Dumistansya rin ito sa kumpanya.

Nagkaroon rin ng mga anomalya sa mga eleksyong kinasangkutan ng Miru sa Kyrgyzstan at Iraq. Noong 2018, idineklarang nasa “sentro” ng pandaraya ang mga makina ng Miru sa eleksyon sa Iraq kung saan kinakitaan ang mga makina ng mga palatandaan ng “tampering” at “hacking” para ibahin ang resulta ng botohan. Dahil dito, isinagawa ang manwal na pagbibilang ng mga boto sa ilang bahagi ng bansa.

Isa sa tatlong lokal na kumpanyang kasosyo ng Miru Systems sa Pilipinas ay direktang nakaugnay sa gabinete ng rehimeng Marcos Jr. Ang Integrated Computer Systems ay pagmamay-ari ni George T. Barcelon, na itinalaga ni Ferdinand Marcos Jr noong 2022 bilang espesyal na kinatawan ng pribadong sektor sa Legislative, Executive Development Advisory Council o LEDAC. Kasalukuyang presidente siya ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at bise-presidente ng ECOP.

Ang dalawa pa ibang kumpanya ay ang St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies.

AB: Dayuhang kumpanyang sangkot sa dayaan at mga anomalya, kinontrata ng Comelec para sa 2025