Balita

DOJ Sec Remulla, pinagbibitiw matapos mahuli ang anak sa iligal na droga

Lumaganap ang panawagan para sa pagbibitiw ni Jesus Crispin Remulla bilang kalihim ng Department of Justice matapos mahuli ang kanyang anak na nagpupuslit ng iligal na droga paloob ng bansa. Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency si Juanito Jose Diaz Remulla III, 38-taong gulang, noong Oktubre 11, nang tanggapin niya ang smuggled na highgrade o mataas na uri ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit isang milyon. Dalawang araw pa ang lumipas bago isinapubliko ang kanyang pagkakaaresto, taliwas sa naging kalakaran ng PNP ng kara-karakang pagpaparada ng mga suspek, o mas malala, ng pagpatay sa maliliit na nagbebenta o gumagamit ng droga.

Kinutya ng mga pamilya ng mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng huwad na “gera sa droga” ang pagtrato ng PNP sa anak ni Remulla.

“Kapag mayaman may due process, kapag mahirap punerarya agad,” bwelta ni Jane Lee, asawa ng biktima ng pamamaslang na si Michael Lee at bahagi ng grupong Rise Up for Life and Rights. Kinutya ng mga myembro ng grupo ang kalihim ng DoJ na noo’y nanawagan ng death penalty para sa mga mahuhuling sangkot sa iligal na droga, na tinawag pa niyang mga “ipis” ng lipunan. Bahagi ang mga pamilyang nagbuklod sa Rise Up sa pagsampa ng kasong krimen sa sangkatauhan laban kay Rodrigo Duterte at kanyang mga kasapakat sa International Criminal Court.

“Double standard” ang tawag ng mga kongresista ng Makabayan sa espesyal na pagtrato sa anak ng kalihim, laluna kumpara sa pagtrato ng estado kay dating Sen. Leila de Lima.

Tumangging magbitiw si Remulla sa pwesto at sinabing hindi siya makikialam sa kaso. Gayunpamana, inatasan niya ang kanyang asawa na hanapan ng abugado ang kanilang anak at nagpaabot pa ng “kahilingan na magbago” sa kanyang anak.

Marami ang bumatikos kay Remulla at sinabing “matinding paggamit ng pribilehiyo at pusisyon” ang kanyang ginagawa lalupat wala siyang anumang tulong na ibinibigay sa laksa-laksang biktima ng ekstrahudisyal na mga pagpaslang at pang-aaresto sa ngalan ng gera kontra-droga.

AB: DOJ Sec Remulla, pinagbibitiw matapos mahuli ang anak sa iligal na droga