#DuterteWakasanNa: Walang kapayapaan, walang hustisya
Sa limang taong panununkulan ni Rodrigo Duterte, walang natamong kapayapaan at hustisya ang mamamayang Pilipino. Ito ay ang pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan sa isang webinar noong Hulyo 21. Kaya naman, aniya, panahon na na tanggihan natin ang klase ng pamamahala ni Duterte. “Panahon nang wakasan ang kanyang paghahari at papanagutin siya sa kanyang mga krimen.”
Kinundena ng grupo ang plano ni Duterte na tumakbo bilang bise presidente sa halalang 2022 para umiwas na masakdal at maparusahan sa kanyang mga krimen laban sa bayan. Anito, immunity is impunity. Katulad ng ibang organisasyon, binigyan ng Karapatan ng bagsak na grado si Duterte sa usapin ng kalusugan, kasarinlan, karapatan, kabuhayan, kasarian at kalikasan.
Samantala, binatikos nito ang pinalalabas ng Department of Justice na “pakikipagtulungan’” nito sa United Nation sa pagsisimula ng kunwa’y “joint human rights program” sa pagitan ng internasyunal na institusyon at ng gubyerno ng Pilipinas. Ayon kay Palabay, ang tunay na hustisya ay ang pagpapanagot sa mga lumabag sa mga karapatang-tao, pagbibigay danyos sa mga biktima, at pagtitiyak na di mauulit ang mga krimen at ibang brutal na paglabag, kasabay ng mga hakbang para harapin ang ugat ng mga paglabag na ito. Hindi ito tungkol sa pagsang-ayon lamang sa isang “programa para sa karapatan” para sa “teknikal na pagtutulungan” habang walang kahihiyang umiiwas sa pananagutan.