Ekstra-hudisyal na pamamaslang sa Sultan Kudarat, ibinunyag

Nagsagawa ng “karaban para sa hustisya” noong Disyembre 7 ang mga kamag-anak ng tatlong estudyanteng Moro na pinaslang ng mga pulis sa Lambayong, Sultan Kudarat. Pinatay sina Horton Ansa Jr, 19, at mga pinsan niyang sina Anshad Ansa, 18 at Samanoden Ali, 19 na diumano’y nakipagbarilan sa mga pulis matapos tumangging tumigil sa isang tsekpoynt sa Purok 4, Barangay Didtaras. Naganap ang insidente noong madaling araw ng Disyembre 2.

Mariing pinabulaan ng mga kamag-anak ang salaysay ng mga pulis na nakipagbarilan ang tatlong kabataan. Anila, hindi armado ang tatlo at nasa daan lamang sila para i-test drive ang motorsiklo si Ansa Jr sa panahong iyon. Ayon sa pamilya, mayroong nakasaksi kung paano nagmakaawa pa ang isa sa kabataan para hindi sila tuluyang patayin. Anila, itinanim lamang ang pistola, granada at shabu na “nakuha” ng mga pulis sa kanila. Si Ansa Jr ay anak ng isang pulis na nakatalaga sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha sa parehong prubinsya.

Dahil sa tindi ng galit ng mga taga-Lambayong, napilitan ang gubernor ng Sultan Kudarat na si Datu Pax Ali Mangudadato na imbestigahan ang insidente. Pansamantala niyang isinuspinde ang hepe ng pulis ng bayan na si Maj. Jenahmeel Tonacao at 14 pang mga pulis na sa ilalim ng kanyang kumand.

“Nakababahala ang serye ng mga ekstra-hudisyal na pamamaslang sa Central Mindanao,” pahayag ni Drieza Lininding ng Moro Consensus Group sa isang post sa Facebook. “Nakapokus tayo sa pagkontra sa ekstremismo pero halos walang atensyon ang inuukol sa mga brutalidad at abuso na isinasagawa ng mga pwersang panseguridad (sa mga Moro) na dahilan kung bakit umiiral pa rin ang insurhensya,” aniya.

“Walang tiwala ang mga pwersang panseguridad sa mamamayang Moro kung kaya naglipana ang mga kampo militar sa ating bayan.” Liban sa mga pulis at sundalo, kailangan din pagtuunan ng pansin ang mga pribadong armadong grupo na pinopondohan ng mga pulitiko, aniya. “Kabilang ang mga ito sa mga dahilan kung bakit nananatili ang instabilidad sa ating mga rehiyon.”

Noong nakaraang taon, naglabas ng pahayag ang 30 organisasyon, mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at peace advocate sa Mindanao kaugnay sa “malawakan at sistematikong pamamaslang” na nakatuon sa mga komunidad ng Moro sa bayan ng Polomolok sa South Cotabato at kalapit na lugar. Naisadokumento nila ang 80 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa lugar, sa pagitan ng 2018 at 2021. Marami sa mga biktima ay pinalabas na nanlaban at tinaniman ng mga armas ng mga sumalakay na yunit. Mayroong mga biktima na inakusahan ng mga pulis na myembro ng Dawlah Islamiya-Maguid Group.

Iginiit ng grupo na walang ligal o moral na dahilang makakapagbigay-katwiran para patayin ang isang tao nang hindi dumadaan sa karampatang proseso, laluna ang mga inosenteng sibilyan.

AB: Ekstra-hudisyal na pamamaslang sa Sultan Kudarat, ibinunyag