Elemento ng CAFGU, inambus ng BHB-Central Negros
Tinambangan ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros ang sagadsaring kontra-mamamayan at kontra-rebolusyon na elemento ng CAFGU na si Sunnyboy Teves sa Sityo Tulingon, Barangay Binubohan, Guihulngan City, Negros Oriental noong Disyembre 27, alas-6:45 ng gabi. Sangkot si Teves sa maraming krimen sa mamamayan ng Central Negros.
“Nakumpiska ng BHB ang isang smartphone kay Teves na may laman na mahahalagang impormasyon kabilang na ang ilan pa nitong mga target,” ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng yunit ng BHB.
Si Teves ay kasapi na ng CAFGU simula pa 2011 at aktibong nag-uulat sa 62nd IB. Siya ay ipinakat ng militar sa detatsment ng CAFGU sa Barangay Sandayao, Guihulngan City. Imbwelto siya sa paniniktik sa masang magsasaka at rebolusyonaryong kilusan sa mga barangay ng Imelda, Binubuhan, Tacpao at Sandayao sa Guihulngan City.
Noong 2015, inimbitahan si Teves ng yunit ng BHB-Central Negros para bigyan ng babala at paliwanagan o kumbinsihin na itigil ang kanyang kontra-mamamayan na mga aktibidad. Sa halip na makipag-usap, hindi ito pinansin ni Teves at patuloy na naghasik ng takot sa mga komunidad.
“Inaatasan ng BHB-Central Negros ang lahat ng mga yunit sa ilalim nito na maglunsad ng mga taktikal na opensiba. Singilin ang 62nd IB at iba pang pasistang mga makinarya ng estsado sa kanilang inutang na dugo sa mamamayan ng Central Negros,” ayon kay Ka JB.
Sa pahayag ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa okasyon ng ika-55 anibersaryo ng Partido, sinabi nito na bahagi ng mga tungkulin ng BHB ang pagpaparusa sa pinakapusakal na pasistang mga kriminal at ang mga masugid na traydor na tigmak sa dugo ng mamamayan, tulad ng inilunsad ng BHB-Central Negros.
Kaalinsabay nito, kinakailangan din umanong ilunsad ang batayan o anihilatibong taktikal na mga opensiba na kayang ipanalo; patamaan ang nahihiwalay at nakahiwalay na mga yunit ng kaaway; paglulunsad ng mga pakikidigmang aktibong pagdepensa at kampanyang gerilya; pagpapakilos sa regular na mga pwersang gerilya ng BHB at milisyang bayan; pagsasagawa ng malawakang atritibong pakikidigma; paglulunsad ng espesyal na mga operasyong partisano; at pagsasamsam ng mga armas para sa mga Pulang mandirigma.