Balita

Gawa-gawang mga kaso laban sa konsultant at istap ng NDFP, ibinasura

Matapos tatlong taong ibinimbin ng reaksyunaryong estado sa kulungan, posibleng makalaya na ang isang konsultant at dalawang istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel matapos ibasura ng mga korte ang mga kasong isinampa laban sa kanila.

Inilabas ng mga korte ang mga desisyon sa magkakahiwalay na kasong kinakaharap nila Renante Gamara, konsultant ng NDFP, at nina Alexander at Winona Birondo, mga tauhan ng NDFP.

Alinsunod sa desisyong inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Marikina Branch 193 noong Agosto 3, bigo ang prosekusyon na patunayan ang mga alegasyon at kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa laban kay Gamara.

Ayon sa abugado ng Public Interest Law Center (PILC) na si Atty. Kristina Conti, isa sa mga abugado ni Gamara, “humingi at nagpatupad lamang ang mga pulis ng mandamyento pagkatapos nilang arestuhin si Gamara.” Ayon sa PILC, inilantad lamang ng paglilitis ang mga kamalian at iregularidad sa mga operasyon ng pulis para iligal na ikulong ang kanyang kliyente. Si Gamara, kasama si Fr. Arturo Balagat, ay inaresto sa isang bahay sa Imus, Cavite noong Marso 2019. Pinalaya din kaagad noon si Balagat.

“Pinatutunayan ng pagbasura sa mga kaso, at binibigyang-diin nito, ang malaking kahihiyan ng mga ahensya sa pagpapatupad ng batas sa paggagawa ng mga kaso at pagtatanim ng mga ebidensya,” ayon sa pahayag ng PILC.

Samantala, bago ang desisyon ng korte kaugnay ng kaso ni Gamara, naglabas ang RTC Quezon City Branch 77 ng desisyong nagbabasura sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives laban sa mag-asawang Birondo noong Abril 2022. Ang mag-asawang Birondo ay inaresto sa Barangay Mariblo, San Francisco del Monte, Quezon City noong Hulyo 2019. Hindi pa sila pinalalaya.

Ang parehong warrant of arrest laban sa mga Birondo at kay Gamara ay inilabas ni Quezon City Judge Cecilyn Burgos-Villavert, notoryus na kasabwat ng mga pulis at naglalabas ng walang-batayang mga mandamyento laban sa mga progresibo at aktibista.

Ayon kay Atty. Conti, pinagtitibay ng pagbabasura ng kaso ang katotohanang ang mga konsultant pangkayapaan ng NDFP ay hindi armado at hindi delikado.

“Tiwala kami na ang ibang mga kasong nakabinbin laban sa mga konsultant pangkapayapaan, istap at iba pang personel…sa malaon ay mapatutunayang mali at malisyoso,” pagtatapos ng PILC sa pahayag nito.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong ang mga konsultant NDFP na sina Adelberto Silva, Vicente Ladlad at Rey Claro Casambre sa katulad na mga kaso. Dagdag sa kanila, higit 800 iba pang bilanggong pulitikal ang ipinipiit ng reaksyunaryong estado sa gawa-gawang mga kaso.

AB: Gawa-gawang mga kaso laban sa konsultant at istap ng NDFP, ibinasura