Higit-libong pamilya, nagbakwit sa Basilan
Nasa 1,480 pamilya ang nagbakwit kahapon sa anim na barangay sa bayan ng Ungkaya Pukan sa Basilan dulot ng pananalakay ng 101st IBde sa mga pwersa ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sa isang bidyo na ibinahagi ng isang residente, nakatipon ang mga bakwit, na karamihan bata, sa munisipyo sa sentro ng bayan. Kulang na kulang sila sa pagkain at maiinom.
Ayon sa meyor ng Ungkaya Pukan, “lumala” ang sitwasyon sa bayan sa nakaraang apat na araw. Nagbakwit ang lahat ng mga residente ng Ulitan, ang barangay kung saan unang sumiklab ang pinakabagong serye ng sagupaan na nagpapatuloy hanggang ngayon.
Sa ulat mismo ng AFP, pitong sundalo ang napatay at 13 ang nasugatan sa serye ng mga sagupaan. Lima ang nasugatan noong Nobyembre 7 at dagdag na walo noong Nobyembre 8. Sa hapon ng Nobyembre 8, tatlong sumasalakay na mga sundalo ang napatay. Kahapon, Nobyembre 9, ibinalita sa lokal na radyo ang paggapi ng mga pwersa ng BIAF sa apat pang sundalo at pagtake-over nito ng isang Armored Personnel Carrier ng 64th IB.
Idinadahilan ng 101st IBde na ang mga atake ng AFP ay laban sa mga “lawless element,” o kriminal na diumano’y “kinukupkop” ng BIAF/MILF. Idinadahilan din ng AFP ang “pag-isnayp” ng BIAF noong Nobyembre 7 sa isang sundalo ng 64th IB bilang dahilan ng “pagganti” ng mga sundalo. Gayunpaman, inamin mismo ng kumander ng Task Force Basilan at 101st IBde na si Brig. Gen. Domingo Gobway na sumiklab ang sagupaan nang pagbawalan ng mga sundalo ang pagbabalik ng malaki-laking pwersa ng BIAF sa Ulitan na kilalang isang “komunidad ng MILF.” Inireklamo niya na “hindi nakikinig” ang mga ground kumander ng BIAF sa kanilang pamunuan.
Pero ayon sa mga residente, noon pang Setyembre sumiklab ang armadong tunggalian sa lugar. May ilan nang mga sagupaan noong Oktubre na nagresulta sa pagkamatay ng mga sibilyan at mga pwersa ng BIAF.
Sa isang ulat noong Nobyembre 9, nananawagan ang maybahay ng isang myembro ng Bangsamoro Transition Authority na “tigilan na” ng AFP ang pang-uudyok ng gera dahil winawaldas diuamno ang mga nakamit na sa usapang pangkapayapaan.
“Mga inosente sila at mayorya sa kanila ay nakatakda nang magdekomisyon (magsuko ng armas),” pagtatanggol niya sa mga pwersa ng BIAF na napilitang lumaban.
Malinaw na hindi umiiral sa pagitan ng dalawang grupo sa isla ang tigil-putukan na bahagi ng “peace settlement” o tinanggap na mga kundisyon ng MILF sa pakikipag-usapan nito sa GRP.
“(A)ng tanong sa ating isipan, bakit nangyayari pa ang mga ganitong engkwentro? Buong akala natin ay wala nang gera sa pagitan ng AFP at MILF dahil may kasunduan na para sa kapayapaan at nariyan na ang (BARMM) na pinamumunuan ng MILF. Pero bakit nagkakaroon pa ng karahasan sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at MILF?” tanong ni Mujiv Hataman, kongresista ng Basilan.
Bahagi ng “peace settlement” ang pagtatatag ng Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG), isang mekanismo para sa koordinasyon ng dalawang grupo. Bahagi din ng naturang settlement ang pagsuplong ng mga pwersa ng MILF sa kanilang mga armas sa GRP at pagtransporma sa mga kampo nito tungo sa mga “peace zone.” Gayunpaman, aminado kahit ang liderato ng MILF na “mabagal” ang prosesong tinaguriang “normalisasyon” dahil na rin sa kawalang-interes at pagpapabaya rito ng GRP.