Hindi nagamit na pondo ng Bayanihan 2, pagsasakdal sa kainutilan ng rehimen
Sayang! Tinatayang nasa 4.58% o P6.487 bilyon ng kabuuang P141.595 bilyong inilaan para sa batas na Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act ang hindi nagastos ng iba’t ibang mga kagawaran ng gubyerno para sa pagtugon sa hagupit ng pandemyang Covid-19.
Lumipas na noong Hunyo 30 ang implementasyon ng batas na nauna nang nagwakas at pinalawig noong Disyembre 2020. Pinirmahan ng rehimeng Duterte ang naturang batas noong Setyembre 2020.
Ang pondong hindi nagastos ay direktang ibabalik sa National Treasury at hindi na magagamit para sa pagtugon sa krisis ng pandemya.
Kinastigo ng iba’t ibang mga personaildad at grupo ang kapabayaang ito ng rehimen. Ayon kay Rep. Edcel Lagman, kinatawan ng prubinsya ng Albay, “seryosong pagsasakdal” sa kapabayaan at kabiguan ng rehimen sa pagharap sa pandemya ang pagkakaroon ng mga hindi ginamit na pondo.
Kinundena ng Alliance of Conerned Teachers ang Department of Education matapos bigong gamitin ng ahensya ang aabot sa P1.7 bilyong pondong para sana sa distance learning. Nakalaan ang naturang pondo para sa pag-iimprenta ng modyul, ayuda sa mga guro at iba pa.
Kabilang sa mga kagawarang mayroong hindi nagamit na pondo ang DSWD (P1.294 bilyon), DPWH (P1 bilyon), Department of Agriculture (P658.241 milyon), DILG (P580.471 milyon), DOH (P266.169 milyon), at DOLE (P224.040 milyon.)
Natigil na rin ang programang libreng pasakay ng rehimen matapos magwakas ang Bayanihan 2. Sa harap ito ng nagpapatuloy na kakulangan ng pampublikong transportasyon lalo na sa Metro Manila.
Kinwestyon naman ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate ang mistulang napakabilis na paglalabas ng pondo sa nagdaang tatlong buwan.
Ayon sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), mayroon pang natirang P217.2 bilyon (mula sa pinagsamang pondo ng Bayanihan 1 at 2) noong April 15. Nangangahulugan ito ng pamamahagi ng P210.71 bilyon sa loob lamang ng tatlong buwan. Giit ni Zarate na dapat magkaroon ng malinaw na pag-aakawnt sa pondo.
“Kung walang maayos na pag-aakawnt, hindi natin masisisi ang taumbayan kung iisipin nilang gagamitin ito ng administrasyon para sa darating na eleksyong 2022,” dagdag ni Zarate.