Huling kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos Jr., ibinasura ng Comelec
Kagaya ng inaasahan, tuluyan nang ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) nitong Agosto 20 ang huling kasong diskwalipikasyon laban sa dating senador na si Ferdinand Marcos Jr. bilang kandidato sa pagkapangulo sa darating na halalan. Inihain ang pangatlo at huling kasong diskwalipikasyon ng isang grupong Ilocano.
Ibinatay ang pagsampa ng mga kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos Jr. sa hatol ng Regional Trial Court sa Quezon City noong 1993. Nahatulang nagkasala si Marcos Jr. sa hindi pagbayad ng kanyang income tax o buwis mula 1983 hanggang 1985 noong siya’y naging bise gubernador at bandang huli ay gubernador ng Ilocos Norte.
Anang mga nagpetisyon, ang hindi niya pagbayad ng buwis ay isang kaso ng “moral turpitude” ng isang upisyal publiko na nagdidiskwalipika sa kanya sa pagtakbo o paghawak ng pusisyon sa gubyerno. Ang “moral turpitude” ay isang akto o gawi na lumalabag sa sentimyento o tinatanggap na kalakaran sa isang komunidad tulad ng pagbayad ng buwis sa gubyerno bilang isang mamamayan, laluna kapag siya ay isang upisyal ng gubyerno.
“Hindi kami kumbinsido sa kanilang argumento”, sabi ni Commissioner Socorro Inting, ang pinuno ng Comelec First Division. Sa 10-pahinang desisyon ng First Division, sinabi nito na hindi mali ang hindi pagbayad ni Marcos Jr. ng kanyang mga buwis.
Noong Pebrero 10, ibasura ng Commission First Division, sa pamumuno ni Commissioner Aimee Ferolino, ang unang kasong diskwalipikasyon na isinampa ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) at ng iba pang demokratikong grupo.
Ayon kay Bonifacio Ilagan, tanyag na dramatista at convenor ng CARMMA, “Pinagtibay lamang ng nasabing desisyon ang aming mga pagdududa tungkol sa integridad ng Comelec at ng prosesong elektoral.” Malinaw na ang pinakahuling desisyon ng Comelec sa kasong diskwalipikasyon ni Marcos Jr. ay nagbigay pabor sa kanyang kandidatura.
Dati nang ibinunyag ni dating Commissioner Rowena Guanzon na nakisawsaw sa pagdedesisyon ng Comelec ang isang maimpluwensyang senador na malapit kay Duterte at idolo rin nito ang diktador Marcos.
Nang magkaroon ng mga bakante ang Comelec dulot ng pagretiro ng ilang komisyuner, pinuno ito ni Duterte ng kanyang mga tauhan na tubong Davao City tulad nina Inting, Ferolino at Marlon Casquejo. Dahil dito, lalong tumibay ang paniniwala ng CARMMA na hindi magiging malaya at patas ang halalan.