Hustisya para kay Percy Lapid, ipinanawagan

Nagtipon noong Oktubre 4 ang iba’t ibang grupo, sa pangunguna na National Union of Journalists of the Philippines, sa Boy Scout Circle sa Quezon City para kundenahin ang pagpatay sa brodkaster na si Perceival Mabasa.

Si Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid sa kanyang programa sa radyo na “Lapid Fire,” ay inambus ng mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo noong Oktubre 3, sa Barangay Talon Dos, Las Pinas City. Papunta siya sa kanyang istasyon para isagawa ang kanyang brodkas.

Kilala si Mabasa sa kanyang mga komentaryo na kritikal sa rehimeng Duterte noon, at sa rehimeng Marcos-Duterte ngayon. Sa isa sa pinakahuli niyang brodkas, tinalakay niya ang panggigipit ng NTF-Elcac kay Judge Marlo Magdoza-Malagay, at ang mga panganib ng red-tagging. Naging paksa rin ng kanyang programa ang pambabaluktot sa kasaysayan, laluna sa mga pangyayari sa ilalim ng batas militar.

Ayon sa NUJP, si Mabasa ang pangalawang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Una sa kanya ang brodkaster din sa radyo na si Rey Blanco, na sinaksak sa Mabinay, Negros Oriental noong Setyembre 18.

Lumahok sa protesta ang iba’t ibang progresibong grupo, organisasyon sa midya at mga tagapagtanggol sa press freedom. Kabilang dito ang sektor ng mga magsasaka, na dumaranas ng paniniil mula sa estado dulot ng kanilang paglaban para sa kanilang mga karapatan.

Ayon pa sa SAKA (Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo), “Ang anumang porma ng pagkitil sa kalayaan sa pamamahayag at pagpigil sa kritisismo sa mga nasa kapangyarihan ay sintomas ng bulok na sistemang panlipunang pabor sa mga korap at berdugo.”

Ayon naman sa Altermidya, malinaw na ang pagpatay kay Lapid ay babala para sa mga mamamahayag na kritikal sa administrasyon. Mensahe din ito sa lahat na parurusahan ng rehimen ang anumang porma ng oposisyon, at hindi ligtas ang magpahayag ng opinyon.

Kinundena rin ng mga mambabatas na nasa minorya sa Senado at Kongreso ang walang takot na pamamaslang. Ayon sa blokeng Makabayan, sumasahol ang “culture of impunity” sa bansa habang papalapit ang ika-100 araw ng rehimeng Marcos. Nagpaabot din ng pakikiisa sa panawagan si Leni Robredo, na sinuportahan ni Mabasa noong nakaraang eleksyon.

Nagpaabot ng pagkabahala kahit ang mga dayuhang entidad. Naglabas ng pinag-isang pahayag noong Oktubre 4 ang mga embahada ng Canada at The Netherlands sa Pilipinas ng kanilang “matinding pagkabahala” sa pagpaslang sa mamamahayag dahil sa “chilling effect” nito sa mamamayan. Sinuportahan ang pahayag ng mga emabahada ng France, Britain, Germany, Denmark at ng European Union sa Pilipinas.

Kinundena rin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pamamaslang, at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya.

Noong nakaraang taon, naitalang ikapitong pinakamapanganib na bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag sa buong mundo.

AB: Hustisya para kay Percy Lapid, ipinanawagan