Ika-14 na taon ng Ampatuan masaker, ginunita sa iba't ibang bahagi ng bansa
Nagprotesta ang iba’t ibang mga organisasyon ng mamamahayag at kabataan noong Nobyembre 23 para gunitain ang ika-14 na anibersaryo ng Ampatuan Massacre at igiit ang hustisya. Isinagawa ang mga pagkilos at aktibidad sa Laguna, Quezon City, Manila, Tacloban, Legazpi at Davao. Isang misa naman ang inilunsad sa General Santos City noong Nobyembre 19.
Ang Ampatuan Massacre ay naganap noong November 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao na kumitil sa buhay ng 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag. Tinagurian itong pinakamadugong pag-atake sa mga mamamahayag sa buong mundo.
Ang mga biktima ay bahagi noon ng isang komboy ng mga sasakyan ng mga sumusuporta sa lokal na pulitikong Magundadatu, at ng mga reporter na sumusubaybay sa kanyang pagkakandidato. Hinarang sila at dinala sa isang liblib na lugar kung saan sila pinagbababaril ay inilibing sa hukay gamit ang isang backhoe.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), bagaman nawala na sa balita ang nangyaring masaker, hindi nakalilimot ang komunidad ng midya at nakikiisa sila sa panawagang wakasan ang kultura ng kawalang pakundangan sa mga krimen laban sa mga mamamahayag.
Noong 2019, nakamtan ng mga pamilya ng mga biktima ng masaker ang paunang hustisya nang mahatulan ang 28 indibidwal kabilang ang mga mastermind ng krimen na sina Datu Andal Jr at Zaldy Ampatuan. May 15 iba pang nahatulan sa pagiging kasabwat sa masaker. Anang grupo, dapat tuluy-tuloy na manawagan ng hutisya hanggang maisapinal ang hatol at makatanggap ng karampatang kumpensasyon ang mga kaanak ng biktima.
Sa General Santos City, nagtipun-tipon at nagpamisa ang Justice Now, samahan ng mga naulilang pamilya ng Ampatuan Massacre, para sa mga pumanaw na mamamahayag sa Forest Lake Memorial Park noong Nobyembre 19.
Sa pahayag ni Emily Lopez, pangulo ng Justice Now, nagpasalamat siya sa pagsuporta para sa mga pamilya ng mga naging biktima ng kalunus-lunos na masaker. Aniya, “sa loob ng labing apat na taong pagsigaw ng hustiya, alam naming mahaba na ang ating napagsamahan at marami-rami na rin tayong nakamit na mga panalo ngunit hindi pa po tapos ang labang ito.”
Dagdag pa ni Lopez, hanggang ngayon ay “randam at batid din [ng kanilang mga kaanak] na marami sa mga nasa midya ang patuloy pa ring humarap sa iba’t ibang uri ng pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag.
Sa Quezon City, lumahok sa pagkilos sa UP Diliman ang mga grupong Altermidya, mga kabataang mamamahayag ng College Editors Guild of the Philippines at Union of Journalists of the Philippines-UP Diliman.
Sa Legazpi City, pinangunahan ng Bicol Organization of Neo-Journalists (BONJour) sa Bicol University ang paggunita sa malagim na masaker. Ilampung kabataan at mamamahayag ang lumahok sa kanilang buong araw na aktibidad at martsa na nagtapos sa pagtitirik ng mga kandila.