Imbestigasyon ng "Caravana Filipina" sa kalagayan ng mga Pilipinong abugado at husgado, isinapubliko

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isinapubliko ngayong araw Hunyo 14, ng “Caravana Filipina,” isang grupo ng mga abugado, ang isinagawa nitong pag-aaral sa laganap na pang-aatake sa mga abugado, prosekyutor at husgadong Pilipino simula 2016. Ang “Caravana Filipina” ay internasyunal na delegasyon na nagsagawa ng 10-araw na imbestigasyon at nagtipon ng mga salaysay mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Itinaon ang pagsasapubliko sa International Fair Trial Day (IFTD) na ginugunita ng mga nasa ligal na propesyon taun-taon para itaas ang kaalaman ng publiko kaugnay sa kahalagahan ng fair trial (patas na paglilitis) at rule of law. Kada taon, pumipili ang mga abugado ng bansa para patampukin ang mga usapin kaugnay sa fair trial doon. Pinili nila ang Pilipinas para sa 2024.

“Matagal nang kilala ang Pilipinas bilang isa sa pinakamapanganib na bansa sa mundo para sa mga propesyong ligal,” ayon kay Herman Verbeek, isang abugado mula sa Netherlands at kinatawan ng Foundation of the Day of the Endangered Lawyer. Naisadokumento ng Caravana Filipina ang hindi pa napapantayang mga atake sa propesyong legal, ang kultura ng impunity at climate of fear, Red-tagging at panggigipit sa mga karapatan ng pagpapahayag.

Sa datos ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), mayroon nang 94 kaso ng pampulitikang pamamaslang ng mga abugado, prosekyutor at husgado mula Setyembre 2007. Mayorya nito (63) ay naganap sa pagitan ng Hulyo 2018 at Hunyo 2024. Marami sa mga ito ay hindi pa nareresolba hanggang ngayon.

Kabilang sa mga kasong ito ang pagpatay kay Atty. Ben Ramos sa Negros, at tangkang pagpatay kay Atty. Angelo Karlo Guillen sa Iloilo. Parehong kilala ang dalawang abugado sa kanilang pagtataguyod sa karapatang-tao, at pareho ring malisyosong iniugnay sa Bagong Hukbong Bayan bago ang mga pang-aatake sa kanila.

Idiniin ng mga internasyunal na abugado ang pangangailangan para sa seryosong implementasyon ng mga desisyong pabor sa mga abugado, tulad ng kamakailang desisyon ng Korte Suprema laban sa Red-tagging. Inirekomenda din nila ang pagbabasura sa Anti-Terror Act, na nagpaigting sa mga banta at atake sa mga abugado at iba pang bahagi ng civil society.

Liban sa pagpapatampok ng mga usapin ng patas na paglilitis at kalagayan ng mga abugado at husgado sa isang bansa, isinasagawa rin sa IFTD ang pagbibigay ng Ebru Timik Award para parangalan ang mga indibidwal at organisasyong nagsusulong para sa pagtataguyod ng karapatan para sa patas na paglilitis. Nakapangalan ang gantimpalang ito sa abugado sa karapatang-tao sa Turkey na si Ebru Timik, na namatay noong 2020 habang nasa protestang ayuno laban sa di pantay na mga paglilitis sa kanyang bansa.

AB: Imbestigasyon ng "Caravana Filipina" sa kalagayan ng mga Pilipinong abugado at husgado, isinapubliko