Impeachment complaint laban kay Leonen, ibinasura ng Kongreso

Sa botohang 44-0, ibinasura ng House Justice Committee ang reklamong impeachment laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen noong Mayo 27.

Ayon sa mga mambabatas, ibinasura ang reklamong impeachment dahil nakasalig lamang ito sa mga salita ng nagreklamo, hindi naglakip ng orihinal na mga dokumento, at hindi nakabatay sa “personal na pagkakaalam” ng nagreklamo. Sa maikling salita, hindi katanggap-tanggap ang ebidensyang nakabatay sa mga haka-haka. Kabilang sa mga nagbasura sa pakana ang ilang lider ng Mababang Kapulungan.

Ihinain ang reklamong impeachment ni Edwin Cordevilla, na nagpakilalang “secretary general of the Filipino League of Advocates for Good Government” noong Disyembre ng nakaraang taon. Inendorso ito ni Rep. Angelo Marcos Barba (Ilocos Norte) at isinalang kaagad sa adyenda ng Justice Committee noong Mayo 26 bilang isa sa mga isyung “buhay at kamatayan” na dapat maresolba ng Kongreso.

Si Barba ay pinsang buo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. samantalang si Leonen ang siyang “ponente” o sumulat sa walang-tutol na desisyong pagbasura ng Supreme Court sa protestang elektoral ni Marcos laban kay Vice Pres. Leni Robredo.

Ayon kay Cordevilla, “walang integridad” si Leonen bilang isang upisyal dahil hindi siya nagdeklara ng kanyang mga SALN (statement of assets, liabilities and net worth) sa loob ng 15 taon bilang propesor at dekano ng University of the Philippines College of Law.

Hindi dito nagsimula ang “proyektong tanggal Leonen.” Mas maaga pa sa maniobra ng grupo ni Cordevilla ay napabalitang hinihiling ni Solicitor General Jose Calida ang mga kopya ng mga SALN ni Leonen. Gamitin sana niya ang mga SALN ni Leonen kagaya sa ginawa niya kay dating Chief Justice Lourdes Sereno na napatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng “quo warranto” o may karapatan ba siyang manungkulan bilang isang upisyal publiko. Si Calida ay kilalang loyalista ng pamilyang Marcos at matalik na kaibigan ni Duterte.

Hindi pinaunlakan ng Supreme Court ang hiling ni Calida. Pero hindi siya nawalan ng loob at noong 2017, hiniling niya ang mga SALN ni Leonon sa University of the Philippines-Diliman. Binigo ng UP Diliman Human Resource Development Office (HRDO) ang kanyang rekwes.

Sa harap ng muling pagtanggi, tuloy pa rin ang imbing proyektong tanggal-Leonen. Kumilos naman ang tagapangulo ng Commission on Higher Education na si Prospero de Vera, na tagapangulo rin ng UP Board of Regents (BOR). Naisapubliko nitong Mayo ang katitikan ng pulong ng BOR noong Nobyembre 26, 2020 kung saan itinulak ni de Vera sa BOR na baliktarin ang desisyon ng HRDO at bigyang pabor si Calida.

Hindi nagpatinag ng ilang myembro ng BOR sa pambabraso ni de Vera at sa halip ay ipinasa ang usapin sa mga abugado ng unibersidad. Katwiran nila, may resolusyon ang Korte Suprema na ilalabas lamang ang mga SALN ng nakaupong mga husgado kung may kautusan para rito ang korte. (Nota: Ito ay matapos nagpagamit ang mga husgado ng Korte Suprema para sipain ang nakaupong chief justice na si Maria Lourdes Sereno noong 2018 sa utos ni Rodrigo Duterte.

Bahagi si Leonen sa UP College of Law mula 1989 hangggang 2011. Itinalaga siya ng noo’y presidente Benigno Aquino sa Korte Suprema noong 2012 at nakatakdang magretiro sa 2032. Isa siya sa tatlong natitirang mahistradong hindi hinirang ni Duterte.

AB: Impeachment complaint laban kay Leonen, ibinasura ng Kongreso