Imperyalistang kampanya ng kontra-terorismo
Natapos na ang pagdinig ng Korte Suprema sa mga argumento laban sa Anti-Terrorism Law (ATL) noong Mayo 17. Ito ay matapos ang apat na buwan mula nang unang idulog ng mga abugado ng mga petisyuner ang kanilang mga argumento laban sa mapaniil na batas.
Lalong tumingkad ang pagiging anti-demokratiko ng ATL nang paratangan ng Anti-Terrorism Council (ATC) na “terorista” ang 29 indibidwal kabilang ang kilalang mga konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines na diumano’y mga lider ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Noong Disyembre 2020, binansagan din ng ATC na “terorista” ang PKP at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Simula’t sapul, iginigiit ng mga abugado ng rehimen na ang pagsasabatas ng ATL at paglilista sa umano’y mga “terorista” ay nakaayon sa internasyunal na batas at mga resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC).
Hindi tulad ng iba pang mga internasyunal na batas, ang “internasyunal na kontra-terorismo” na itinataguyod ng UNSC ay hindi nagmula sa internasyunal na mga tratado o kasunduan. Ito ay ipinataw lamang sa buong daigdig alinsunod sa dikta ng mga imperyalistang bansang bumubuo sa UNSC. Sa aktwal, wala pa ring internasyunal na konsensus sa ligal na depinisyon ng terorismo.
Pinaghaharian ang UN ng Security Council na binubuo lamang ng limang permanenteng kasaping bansa na pawang mga imperyalista—US, United Kingdom, France, Russia at China, at sampung pansamantalang kasaping bansa. Ginagamit at binabraso ng US ang UN sa pamamagitan ng Security Council upang magpataw ng mga sangksyon o kaparusahan, at bigyang katwiran ang iligal at unilateral na mga aksyon nito laban sa mga organisasyon, indibidwal at maging estadong tinatagurian nitong “terorista” o “sumusuporta sa terorismo.”
Unang ipinataw ang “internasyunal na kontra-terorismo” sa bisa ng UNSC Resolution 1373 noong 2001, dalawang linggo matapos ang atake sa New York City noong Setyembre 11, 2001 (mas kilala bilang 9/11) na inako ng grupong Al Qaeda. Inobliga nito ang lahat ng estado na sumunod sa lahat ng internasyunal na kumbensyon ng UNSC kaugnay ng “kontra-terorismo,” maging ang mga bansang hindi nagratipika sa mga ito. Ito ang nagsilbing batayan ng iba’t ibang bansa sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga batas “kontra-terorismo” at listahan ng mga “terorista.”
Bago nito, una nang naglabas ang US sa ilalim ni Pres. William Clinton ng listahan ng mga indibidwal na inaakusahang terorista (Specially Designated Terrorist List) noong 1995. Isinagawa ito sa kasagsagan ng noo’y “prosesong pangkapayapaan” sa pagitan ng Israel at Palestine.
Inilagay ni Pres. George W. Bush Jr. ang “gera kontra-terorismo” sa sentro ng prayoridad ng US na nagtakda ng mga patakarang panloob at patakarang panlabas nito sa pamamagitan ng pagsasabatas sa tinaguriang USA PATRIOT Act (Uniting and Strengthening America by Providing Appropriate Tools Required to Intercept and Obstruct Terrorism Act). Ipinatupad ito kasunod ng 9/11 noong 2001. Gamit ang batas, inangkin ng gubyernong US ang kapangyarihang bansagang terorista ang sinumang naisin, na ginagawa sa paraang arbitraryo at walang prosesong hudisyal. Isinasailalim sa paniniktik at pag-aresto ang sinumang inilistang lokal o dayuhang “terorista” o “sumusuporta sa terorismo.” Ginamit ito ng US para bigyang-matwid ang paglusob at pagsakop sa Afghanistan noong 2001 at Iraq noong 2003.
Noong 2002, pinatindi ng US ang parusa sa inaakusahang mga terorista mula ekonomikong sangksyon tungong kriminal na prosekusyon. Ipinatupad nito ang “Foreign Terrorist Organization (FTO) List” o listahan ng mga organisasyong inaakusahang terorista ng State Department na umiiral pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Itinayo ni Bush ang notoryus na bilangguan sa Guantánamo Bay, Cuba noong Enero 2002. Dito dinala ang tinatayang nasa 780 indibidwal na inakusahang terorista mula sa iba’t ibang bansa. Kalakhan sa kanila ay idinetine nang walang paglilitis o anumang kasong kriminal. Lima lamang sa kanila ang napatunayang maysala sa korte. Laganap dito ang tortyur at samutsaring kaso ng pang-aabuso sa tabing ng “pinatinding interogasyon.” Siyam ang naiulat na namatay sa pasilidad. (Sa ngayon, 40 detenido na lamang ang natitira sa Guantánamo Bay matapos na ilipat ang iba pa sa ibang mga bilangguan sa tulak ng mga protesta para ipasara ito.)
Sa kalaunan, lumayo na nang lumayo sa 9/11 ang saklaw ng “gera kontra-terorismo, at lahat na ng kalaban ng US ay tinaguriang “terorista.” Sinaklaw nito maging ang mga dayuhang kilusan at estadong tumututol magpailalim sa hegemonya ng US. Unang ipinalaganap ni Bush ang terminong “Axis of Evil” noong 2002 para tukuyin umano ang mga dayuhang gubyerno na “sumusuporta sa terorismo.”
Unang inilista bilang bahagi nito ang Iran, dating Ba’athist Iraq at North Korea. Tinukoy naman ni John Bolton, na noo’y nagsisilbing Undersecretary ng US State Department, ang Cuba, Libya, at Syria bilang bahagi nito. Noong 2018, binansagan din niya ang Cuba, Venezuela at Nicaragua bilang “triangle of terror” (tatsulok ng teror). Ang mga bansa ay inakusahan niyang “sumusuporta” sa terorismo at may “potensyal o kapasidad” na magpaunlad ng mga sandata para sa malawakang paglipol.
Unang isinama ng US sa FTO List nito ang PKP at BHB noong Agosto 9, 2002, kasama ang bandidong grupong Abu Sayaff. Inilista rin nito ang tagapangulong tagapagtatag ng PKP na si Jose Maria Sison bilang “taong sumusuporta sa terorismo.”
Alinsunod sa dikta ng US, isinabatas ng Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Arroyo ang Human Security Act noong 2007 na kalauna’y pinabagsik ng rehimeng Duterte bilang ATL. Inilista rin ang mga ito bilang “terorista” ng European Union (2001) at New Zealand (2010). Taliwas sa paulit-ulit na ibinabalita ng rehimen, wala ang PKP at BHB sa mga listahan ng terorista ng Canada, United Kingdom at United Nations. Tinanggal din ng European Union sa listahan nito si Sison noong 2009.