Balita

Interbyu sa telebisyon ng NTF-Elcac kay Palparan, binatikos

,

Binatikos ng maraming biktima ng mga pagdukot at iba pang kaso ng pag-abuso sa kapangyarihan ni dating heneral Jovito Palparan ang pagpapahintulot na makapanayam siya ng National Task Force-Elcac sa isang network ng telebisyon noong Marso 30.

“Paano nangyari na ang isang hinatulang kriminal ng habambuhay na pagkakabilanggo dahil sa pagkitil niya sa batayang mga karapatan ng mga tao ay pinayagang magbigay ng interbyu sa midya sa utos ng mga upisyal ng gubyerno?” tanong ni Edre Olalia, National Union of People’s Lawyers sa Bureau of Corrections.

“Tanging sa Pilipinas makakapagpahayag ang isang pusakal na kriminal at nahatulang maysala mula sa kanyang selda,” ayon kay Ariel Casilao, tagapangulo ng Anakpawis Partylist. Dalawang oras na kinapanayam ni Lorraine Badoy ng NTF-Elcac at isa pang brodkaster ng SMNI si Palparan ang tinaguring “Berdugo” sa araw na iyon.

Nahatulan si Palparan sa pagdukot kina Karen Empeno at Sheryl Cadapan, dalawang estudyante na hanggang ngayon ay di pa natatagpuan. Utak din siya sa marami pang kaso ng mga pagdukot at pagpaslang ng mga aktibista, magsasaka at mga myembro ng progresibong partido sa ilalim ng noo’y rehimeng Arroyo. Hinatulan siya nang hanggang 40 taong pagkakabilanggo noong 2018.

Ang SMNI ay istasyon sa telebisyon na laging ginagamit ng NTF-Elcac sa kampanya nito ng disimpormasyon at pagre-redtag. Ito ay pagmamay-ari ni Pastor Quiboloy, na nahaharap ngayon sa mga kaso ng sekswal na pang-aabuso at pambubugaw ng mga menor-de-edad. Si Quiboloy ay matalik na kaibigan ni Duterte.

“Kinukutya ni Palparan, ng SMNI at ang mga kapangyarihan nasa kanilang likod — ang NTF-Elcac — ang DoJ at ang buung sistema ng hustisya,” ayon pa kay Casilao.

Samantala, nagpadala na ng sulat ang NUPL sa BuCor para igiit na ilipat si Palparan sa Maximum Secutiry Compound alinsunod sa nakasaad sa batas ng estado. Sa kasalukuyan, nasa minimum security facility na nakalaan para sa mga preso na may magagaanang sentensya o yaong malapit nang mapalaya. Ayon sa mga abugado, dapat ding tanggalan ng kanyang mga pribiliheyo si Palaparan at tanggihan ang lahat ng rekwes para siya interbyuhin.

AB: Interbyu sa telebisyon ng NTF-Elcac kay Palparan, binatikos