Isang linggong pagsasanay pulitiko-militar ng BHB-Central Negros, isinagawa
Isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros ang nakapagtapos ng isang linggong pagsasanay ng Batayang Kurso sa Pulitiko-Militar noong Enero 20-27. Layunin ng aktibidad na armasan ang mga Pulang mandirigma ng batayang mga prinsipyong pulitiko-militar para matapang na harapin ang estratehikong kampanyang kontra-rebolusyon ng rehimeng Marcos.
Naisagawa ng yunit ang pagsasanay sa gitna ng pinatinding operasyong militar sa larangang gerilya. Naging susi sa matagumpay at ligtas na pagtatapos ng pagsasanay ang mahigpit na koordinasyon at kooperasyon ng mga Pulang mandirigma at kumander, at ang walang humpay na suportang masa sa ekonomya, pinansya at pagtitiyak sa seguridad ng yunit.
Ayon kay Ka Monique, Pulang mandirigma na kalahok sa pagsasanay, “iba talaga kapag nakapagsanay ka dahil hindi ka matatakot sa pagharap sa mga kaaway laluna at bahagi ito ng sentral na tungkulin natin bilang hukbo.”
Nagsilbing inspirasyon din sa mga mandirigma ang mga rebolusyonaryong martir ng yunit na nag-alay ng kanilang buhay sa armadong pakikibaka, pagbabahagi nila. Bahagi din umano ang naturang pagsasanay sa pangingibabaw ng larangang gerilya sa mga kahinaan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon na nakababalaho sa komprehensibong pagsulong ng digmang bayan sa nasasakupang lugar.
Pahayag naman ni Ka Turko, makatutulong ang mga pagsasanay pulitiko-militar katulad nito para “iwasan ang lantay-militar o pagiging militarista…dahil dapat kung mahusay sa militar, dapat mahusay din sa pulitika. Siya ang tumatayong platun lider ng yunit at nagsilbing pangunahing instruktor sa pagsasanay.
Ang isang linggong pagsasanay ay ibinatay sa silabus ng mas mahabang kursong nagtatagal nang isang buwan. Pinaiksi ito bilang pag-angkop sa matagalang operasyong dumog ng mga armadong pwersa ng estado. Ilan sa mga pinag-aaralan sa kurso ang regular na ehersisyo sa umaga, batayang kumand sa pormasyon tulad ng drill, marching at manual of arms, at pormasyong pangkombat at mga maniobrang militar sa iba’t ibang senaryo ng labanan.