Balita

Kagyat na pagpapalaya kay Leila de Lima, muling ipinanawagan

Muling ipinanawagan ng iba’t ibang sektor at grupo ang kagyat na pagpapalaya sa dating senador na si Leila de Lima. Ito ay matapos na siya’y maging hostage kahapon ng isang detenido sa pinagbibimbinan niya sa PNP Costudial Center sa Camp Crame sa Quezon City.

Isa sa mga nagpahayag ng pangamba sa insidente ang Gabriela Women’s Party na nagsabing “nakababahala” na madali lamang makalusot ang mga armadong detenido sa maximum secutiry custodial center sa loob ng PNP.

Panandaliang ginawang hostage si De Lima ng isang detenidong nagtatangkang tumakas sa Camp Crame. Ayon sa ulat ng pulis, “tumakbo” ang naturang detenido na kinilalang si Feliciano Sulayaw Jr sa lugar saan nakakulong si de Lima matapos siya masukol, kasama ang dalawa pang nagtangkang pumuga. Unang napatay ng mga pulis ang dalawa. Napatay rin ng mga pulis si Sulayaw matapos na diumano’y hindi umubra ang “negosasyon.”

“Hindi mangyayari ang insidenteng ito kung hindi ikinulong ng administrasyong Duterte si Sen. Leila de Lima dahil sa gawa-gawang kaso,” anang Gabriela. Nananawagan sila hindi lamang para ilipat sa ibang kulungan si De Lima, tulad ng alok ni Ferdinand Marcos Jr, kundi para kagyat na siyang palayain.

“Dapat matagal nang nakalaya si Sen. Leila,” ayon naman kay Atty. Neri Colmenares. “Ipinagpapatuloy ni Marcos Jr ang nakababaliw na pagkahumaling na gipitin ang sinumang tumututol. Palayain si Leila, ngayon na!”

Gayundin ang panawagan ng grupong #Everywoman, na kinabibilangan ng kababaihang malaon nang sumusuporta kay De Lima. Anila, wala nang ligal na basehan ang kaso laban sa senadora at binawi na ng mga ginamit na “saksi” laban sa kanya ang kanilang mga salaysay.

Lima’t kalahating taon nang nakakulong ang senadora.

AB: Kagyat na pagpapalaya kay Leila de Lima, muling ipinanawagan