Kampo ng 62nd IB sa Negros Oriental, hinaras ng BHB-Central Negros

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binulabog at hinaras ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang nagpapahingang mga sundalo ng 62nd IB sa patrol base ng mga pasista sa Barangay Malangsa, Vallehermoso, Negros Oriental noong Mayo 24, alas-9 ng gabi.

Ayon sa ulat ng yunit, hindi nakaganti ng putok at nagsitakbuhan ang mga sundalo ng 62nd IB sa dalawang minutong pagpapaputok ng mga Pulang mandirigma.

“Tugon ito ng BHB sa hinaing at reklamo ng mamamayan ng Central Negros sa malawakang militarisasyon sa erya,” pahayag ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros.

Paliwanag pa ni Ka JB, bahagi rin ito ng pagbibigay ng rebolusyonaryong hustisya sa napakarami nang pinaslang, iligal na inaresto, at patung-patong pang paglabag sa karapatang-tao ng 62nd IB. Kabilang sa mga krimen ng berdugong yunit ang pagpaslang sa magsasakang si Richard dela Peña noong Mayo 21 sa Barangay Quintin Remo, Moises Padilla.

Anang BHB, tuluy-tuloy na lumalakas ang pagsuporta at paglahok ng masa sa kanilang hukbo sa harap ng higit pang tumitinding pasistang pag-atake ng rehimeng Marcos.

AB: Kampo ng 62nd IB sa Negros Oriental, hinaras ng BHB-Central Negros