Kaso laban sa abugado, 8 mamamahayag at 33 iba pa, ibinasura ng korte sa Panay

Ibinasura ng korte sa Iloilo City ang kasong “civil disobedience” laban sa isang abugado, walong mamamahayag, at 33 aktibista kaugnay sa protesta sa nasabing syudad noong Mayo 1, 2020.

Kabilang sa 42 kataong inaresto at sinampahan ng pulisya ng “simpleng pagsuway sa isang ahente o sa isang taong may awtoridad” sa ilalim ng Revised Penal Code at ng paglabag ng executive orders (EO) tungkol sa health protocols kaugnay sa Covid-19 ay si Angelo Karlo Guillen ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), walong mamamahayag ng Altermedia at 33 aktibista. Nangyari ito sa isang kilos protesta noong Araw ng mga Manggagawa noong 2020 kung saan binatikos nila ang pagpatay sa Bayan Muna-Iloilo coordinator na si Jory Porquia.

Ayon sa desisyon ni Judge Radney Reginaldo Garcia ng Municipal Trial Court in Cities Branch 7, nabigo ang prosekusyon na patunayan na walang kaduda-dudang nagkasala ang mga akusado. Bagaman may mga bidyong ipinresenta ang pulisya tungkol sa pag-aresto, hindi ito nagpakita ng anumang mga indikasyong may pagtutol ang mga nagprotesta. Sa katunayan, karamihan ng mga aktibista ay nasa loob ng sasakyan at merong sampung tao lamang ang nakaharap sa pulisya, dagdag pa ng desisyon.

Nasa lugar ng rali noon si Guillen bilang abugado ng NUPL na umaalalay sa mga nagpuprotesta. Kaugnay sa mga kasapi ng Altermedia, sinabi ng korte na walang ipinakita sa bidyo na sila ay may hawak na mga plakards o sumasali sa rali.

Si Guillen ay ginawaran ng Roger N. Baldwin Medal of Liberty nitong 2022 dahil sa kanyang pagtataguyod sa karapatang-tao.

AB: Kaso laban sa abugado, 8 mamamahayag at 33 iba pa, ibinasura ng korte sa Panay