Kasong diskwalipikasyon kay Marcos Jr., tuloy pa rin
Tuloy pa rin ang laban! Ito ang nagkakaisang paninindigan ng mga grupong nagsusulong sa kasong diskwalipikasyon laban kay Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pagtakbo bilang presidente sa eleksyon sa Mayo 9.
“Nagsisimula pa lamang ang aming paglaban,” ito ang pahayag ng mga grupong nagsusulong ng diskwalipalikasyon sa anak ng pinatalsik na diktador Marcos Sr. Isa sa mga grupong ito ay ang Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA).
Ibinasura noong Pebrero 10 ng First Division ng Commission on Elections (Comelec) ang tatlong kinonsolidang petisyon para sa pagdiskwalipika kay Marcos Jr. dahil siya ay napatunayang nagkasala ng Regional Trial Court sa Quezon City noong 1997. Nahatulan siyang mabilanggo ng tatlong taon dahil hindi siya nagbayad ng kanyang mga buwis sa loob ng apat na taon noong siya ay bise gubernador at gubernador ng Ilocos Norte.
Isinampa ni Marcos Jr. ang kanyang kaso sa Court of Appeals kung saan pinatawan lamang siya ng multa bilang parusa sa kanyang di pagbabayad ng buwis. Gayunpaman, hindi siya nagbayad ng buwis sa hukuman hanggang sa ngayon.
“Hindi kami nagulat,” ayon kay Bonifacio Ilagan, kilalang dramatista at convenor ng CARMMA. “Pinagtibay lamang ng nasabing desisyon ang aming mga pagdududa tungkol sa integridad ng Comelec at ng prosesong elektoral,” aniya. Isa siya sa puu-puong libong biktima ng malupit na diktadurang US-Marcos.
Isinampa namin ang aming mga petisyon dahil naniniwala kaming susundin ng Comelec ang sinasabi ng batas (“rule of law”) pero dahil sa ibinunyag ni (dating Election Commission Rowena) Guanzon, wala kaming pag-aalinlangan na ang ahensya ngayon ay nakompromiso, sabi pa ni Ilagan.
Inaakusahan ni dating presiding commissioner ng First Division na si Guanzon na kasabwat si Commissioner Aimee Ferolino upang sadyang patagalin ang pagbaba ng desisyon hanggang sa pagretiro sa pwesto ni Guanzon sa Pebrero 2. Sinabi pa niyang isang maimpluwensyang senador na mula sa Davao City ang nakikisawsaw pabor sa anak ng diktador.
Dahil sa sinasabi niyang “sabwatan,” inilabas ni Guanzon ang kanyang pusisyon noong Enero 27 para sa pagdiskwalipika kay Marcos Jr. Nang ipinalabas ang upisyal na desisyon ng First Division, kinampihan ni Commissioner Marlon Casquejo si Ferolino na kwalipikadong kumandidato si Marcos Jr. At sa pinangagambahan, hindi binilang ang boto ni Guanzon.
Ayon kay Howard Calleja, abugado ng CARMMA at iba pang petisyuner, hahamunin nila ang naturang desisyon sa pamamagitan ng pagsampa ng “motion for reconsideration (MR)” sa Comelec en banc o sa kabuuan ng Comelec bilang komite. Malamang na aabot ang kaso hanggang sa Supreme Court. #