Kasong "terrorism financing" laban sa 2 aktibista sa Quezon, ibinasura

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa kawalan ng ebidensya, ibinasura ng isang korte sa Batangas City ang kasong “terrorism financing” laban sa mga kabataang organisador ng Quezon na sina Fritz Labiano at Paul Tagle. Ang desisyon ng korte na may petsang Hunyo 5 ay isinapubliko noong Hunyo 7. Ang kasong paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 ay isinampa noong Abril.

Ang isinampang kaso laban kay Tagle, tagapagsalita ng Tanggol Quezon, at Labiano, koordineytor ng Kabataan Partylist-Quezon, ay pumapatungkol sa kanilang pagtulong sa mga bilanggong pulitikal na sina Rowena Dasig at Miguela Piniero noong Hulyo 2023. Inakusahan sila ng 85th IB ng “terrorism financing” matapos sinabing nagbigay ng ₱500 at pagkain sa mga bilanggong pulitikal.

Sina Dasig at Piniero ay inaresto ng 85th IB noong Hulyo 12, 2023 sa Purok Banaba, Barangay Caridad Ibaba, Atimonan, Quezon. Lumutang lamang ang mandamyento de aresto laban sa kanila, at anim na iba pa, noong Hulyo 18, 2023 sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act.

Nagsasagawa sila noon ng pagsisiyasat sa epekto ng planong itayo na cycle gas turbine power project at liquefied natural gas terminal plant sa naturang lugar. Ang proyekto na itatayo ng Atimonan One Energy, Inc. (A1E), subsidyaryo ng Meralco PowerGen Corp, ay magdudulot ng matinding pinsala sa mga magkokopra at mangingisda sa bayan ng Atimonan.

“Malinaw sa inilabas na desisyon ng korte ang gawa-gawang kasong isinampa laban sa dalawa. Patunay ito sa sumisidhing desperasyon ng estado na yurakan ang dignidad ng mga human rights defender upang pagtakpan ang kanilang mga paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ng Defend Quezon.

Ayon kay Labiano, itinuturing nilang paunang tagumpay ang pagbabasura sa kaso para sa lahat ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mamamayan ng Quezon na tinatarget ng estado dahil sa kanilang patuloy na paninindigan at paglaban.

AB: Kasong "terrorism financing" laban sa 2 aktibista sa Quezon, ibinasura