Kasunduan para sa paglalatag ng PAREX, pinatitigil
Umabot na sa mahigit 70 organisasyon at 900 indibidwal ang pumirma sa isang petisyon para ipatigil ang Pasig River Expressway (PAREX) Project, isang 19.37-kilometrong proyektong kalsada na itatayo sa ibabaw ng Pasig River na magdudugtong sa Maynila at Pasig. Ayon sa mga petisyuner, palalalain lamang ng proyektong ito ang malubha nang trapiko sa lugar, at magdudulot ng pinsala sa ekosistema ng Pasig River at maging sa kalusugan ng mga residenteng naninirahan malapit dito.
Inilabas ng grupong AltMobility PH ang naturang petisyon na may kalakip na pananaliksik kaugnay sa epekto ng proyektong kalsada matapos na lagdaan noong Setyembre 21 ng San Miguel Corporation (SMC) at Toll Regulatory Board (TRB) ang kaunduan para sa konstruksyon ng naturang kalsada. Ang SMC ay pagmamay-ari ng burges kumprador na si Ramon Ang.
Anang petisyon, mas palalalain ng PAREX ang trapik sa Kamaynilaan, taliwas sa pangako ni Ang na solusyunan ito. Iginiit nila na ang paggastos ng bilyun-bilyong piso para sa pagpapatayo ng kalsada ay magtutulak sa mamamayan na mas tangkilikin ito at bumili ng sasakyan, alinsunod sa prinsipyo ng “induced demand.” Ipinaliwanag sa petisyon na may mga mauunlad na bansa na mas pinipiling gibain ang dati nang nakatayong mga kalsada “upang mas bigyang halaga ang mobilidad ng tao, pagbuhay sa mga ilog at pangangalaga ng kasaysayan at kapaligiran” kagaya na ng sa San Francisco, Boston, Seoul, Tokyo, Utrecht, at Paris.
Iginiit ng mga petisyuner na kontra-mahirap ang PAREX at lalo lamang nitong patitindihin ang hindi pagkakapantay-pantay sa kalsada. Anila, tanging ang mga may sasakyan lamang ang makikinabang sa proyektong ito. Nilantad nila na ang pangako ng SMC na magpapatayo ng bus rapid transit (BRT) system at mga cycling lanes sa PAREX ay hindi sinusuportahan ng pormal, detalyado, at pampublikong mga dokumento at pag-aaral.
Ipinaliwanag din sa petisyon kung paanong papatayin ng PAREX ang Pasig River. Ayon sa mga petisyuner, isasaisantabi ng proyektong ito ang ilang dekada nang mga pagpupunyagi para muling buhayin ang ilog. Pipigilan ng PAREX ang natural na ambag ng ilog sa pagpapahupa sa baha. Maliban dito ay palalalain din ng PAREX ang polusyon sa hangin, at sisirain ang ekolohiya ng Pasig River, at ilalagay sa kapahamakang dala ng climate change ang Kamaynilaan.
Sa kabuuan, tinatayang 164 bilyong piso ang magiging pang-ekonomiya, pangkalusugan at panlipunang danyos na idudulot ng PAREX: P97 bilyon ay mula sa mababawas na halaga ng mga lupa sa paligid nito; at P67 bilyon naman mula sa mababawas sa life expectancy sanhi ng polusyong hangin, ingay at tubig sa daraanan ng PAREX. Bukod pa rito ang gastos sa pangkasaysayan, pangkalikasan, ekolohiyal, at ang di-direktang epekto sa kalusugan.
Ayon sa petisyon, hindi dumaan sa tamang proseso ang pag-apruba sa naturang proyekto, at kaduda-duda ang umano’y legal na basehan na ginamit para rito. Anito, tanging ang paso na prangkisa ang tumatayong batayan ng SMC at TRB sa mabilisang pag-apruba sa PAREX, na siya ring ginagamit para pigilan ang buo, tama at mas mahabang proseso ng pag-apruba sa naturang proyekto. Nilalabag din ng SMC at TRB ang karapatan ng mamamayan na mapabatiran hinggil sa detalye ng proyekto lalupa’t apektado sila nito. Ayon sa mga petisyuner, umaabot na sa 14 na liham ang kanilang ipinadala sa ahensya upang hingin ang kumpletong detalye tungkol sa PAREX ngunit hanggang ngayon ay wala itong anumang tugon. Walang nailabas na malinaw na detalye tungkol sa buong teknikal na mga rekisito sa pag-apruba ng TRB sa proyekto, kabilang na ang pisikal, ekonomiko, at pangkalikasang epekto ng PAREX. Tumatanggi din ang ahensya na makipagdayalogo sa mga tumututol sa programa.
Isa si Ang sa malalaking burges kumprador na itinuturing ni Rodrigo Duterte bilang “malapit na kaibigan.” Marami sa mga proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng programang Build, Build, Build ng kanyang rehimen ay naigawad sa mga kumpanya ni Ang.