Kopyahan ng mga estudyante, resulta ng kapalkapan ng distance learning
Resulta ng kapalpakan ng distance learning ang laganap na kopyahan ng mga sagot sa modyul na natuklasan sa isang Facebook account noong Setyembre 18. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), bumabaling ang maraming estudyante sa kopyahan dahil sa kakulangan ng suporta sa kanilang pag-aaral habang nasa bahay.
Isa sa mga natuklasan ang Facebook account na “Online Kopyahan” na mayroong 700,000 na tagasunod. Matatagpuan dito ang mga sagot sa mga modyul na pwedeng kopyahin ng mga bata. Matapos itong isara ng Facebook, lumitaw ang bagong account na “Online Kopyahan (2)” na agad nagkaroon nang 73,000 tagasunod noong Setyembre 19.
Sa isang sarbey na ginawa ng ACT noong nakaraang taon, litaw ang dami at tindi ng hirap na dinanas ng mga estudyante sa pamamaraang distance learning. Hirap ang mga magulang na umaktong tutor o tagaturo sa mga bata dahil sa kakulangan ng kaalaman, panahon at/o pasensya. Napakamahal kumuha ng mga pribadong tutor na pwedeng umalalay sa mga hirap umintindi sa kanilang mga aralin.
Mayorya sa mga estudyante ang nagsabing mas kaunti ang natutunan nila kumpara sa tradisyunal na harapang klase, ayon sa isa pang sarbey.