Balita

Kumpanyang Pinoy, nalugi dulot ng paboritismo at korapsyon ni Duterte

“Lugi” ang kumpanyang EMS Components Assembly, dating nagmamanupaktura ng elektronics, matapos paboran ni Rodrigo Duterte ang kumpanyang Chinese na Pharmally Pharmaceutical Corporation bilang suplayer ng mga face mask. Ito ay kahit mas mababa ang presyong inialok ng EMS kumpara sa kumpanyang Chinese.

Ayon sa may-ari ng EMS, namuhunan siya para baguhin ang produksyon ang kanyang pabrika mula elektroniks tungong surgical face mask matapos manawagan si Duterte sa mga lokal na kumpanya na magmanupaktura ng mga gamit medikal noong unang pumalo ang pandemya.

Isa ang EMS sa limang kumpanyang pinangakuan ng Department of Budget and Management ng mga kontrata sa suplay. Noong Abril, binigyan ang EMS ng una nitong kontrata para sa 100 milyong face mask sa presyong P13.50 kada isa. Nakiusap ang DBM na ibaba ng EMS ang presyo matapos maglabas ang Department of Health ng “suggested price” para sa mga facemask.

Laking gulat na lamang ng EMS nang makipagkontrata ang DBM sa Pharmally na bibilhan ng face mask sa presyong P27.72 kada isa sa 100 milyong inorder ng ahensya, 25.8 milyong piraso lamang ang binili at binayaran ng DBM. Sa gayon, nalugi ang EMS nang hanggang P777 milyon.

Sa pagdinig ng Senado, nabunyag ang dagdag pang “pabor” na iginawad ni Duterte sa Pharmally. Ayon sa isang senador, libreng ipinagamit ni Duterte sa Pharmally, isang dayuhang pribadong kumpanya, ang C-130 ng Armed Forces of the Philippines para magdeliber ng suplay nitong PPE sa bansa. (Ginamit rin para sa transportasyon ng gamit medikal mula sa China ang BRP Bacolod ng Philippine Navy.)

Pagdadahilan ng hepe ng IATF na si Carlito Galvez, wala diumanong komersyal na mga byahe sa eroplano sa panahon na ito. Pinabulaanan ito ng upisyal ng EMS. Aniya, nag-angkat ng mga materyales at nagdeliber ng suplay ang mga lokal na kumpanya gamit ang mga komersyal na byahe noong mga panahong iyon. Hindi ibinigay sa kanila ang parehong pabor na iginawad ni Duterte sa Pharmally. Kung tutuusin, sobra pa sa tinatayang overprice ang nahuthot ng Pharmally at ni Duterte na kita dahil lumalabas na “libre” ang transportasyon nito.

AB: Kumpanyang Pinoy, nalugi dulot ng paboritismo at korapsyon ni Duterte