Kwento ni Tatay Elias, dating elemento ng CAFGU
“Murag dili ka gawasnon na tao ba, [para kaming hindi mga tao].” Ito ang paglalarawan ni Tatay Elias sa pagtrato sa kanila ng mga regular na sundalo.
Dating kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) si Elias sa erya ng Surigao del Sur. Aniya, kahit off-duty, pinasasama silang mga CAFGU tuwing may operasyon ang mga sundalo. Hindi sila binabayaran ng maayos at kulang na kulang ang kanilang alawans para buhayin ang kanilang mga pamilya. Maliit na, madalas pang naantala. Sila rin ang bumibili ng kanilang kagamitan gaya ng uniporme at bota. “Umalis ako sa serbisyo, dahil sa kakulangan ng sweldo,” aniya.
Reklamo din niya ang pagmamaltrato sa kanila ng mga sundalo. “Hindi sila patas,” aniya. Kung nagkamali sila, wala silang karapatang idepensa ang sarili. “Laging sila dapat ang nasusunod.” Hindi rin nila nila mapuna ang mga sundalo kung nagkakamali ang mga ito.
Hindi nag-iisa si Tatay Elias sa kanyang kalagayan. Sa ibang rehiyon, dumaranas na parehong pang-aapi at pambabarat sa mga katulad niya. Sa Negros, ₱3,500 lamang ang ibinibigay na sahod sa mga elemento, kahit pa ₱12,500 ang nakasaad sa papel. Dahil wala rin sa oras ang dating ng kanilang sahod, naoobliga silang umutang sa kanilang mga kumander kahit mataas ang interes.
Parang alipin ang mga elemento ng CAFGU sa loob ng mga kampo. Sila ang nagsasaing, naglilinis ng sapatos ng mga regular na sundalo, nag-iigib ng tubig at nagluluto, habang ang mga regular na sundalo ay nagpapasarap sa buhay.
Madalas ding napag-iinitan at ginagawang punching bag ang mga kagaya nilang CAFGU. Minumura at binubugbog sila sa tuwing may nagagawang pagkakamali o hindi nagustuhan ng kanilang kumander ang kanilang sagot. Sa ganitong kalagayan, hindi maiiwasan na may maghuramentado sa kanilang hanay. Halimbawa na rito ang naiulat noong Hulyo 2021 na pag-aamok ng isang elemento ng CAFGU sa detatsment sa Barangay San Isidro, Sta. Magdalena, Sorsogon.