Labi ng batang biktima ng gera kontra-droga, hinukay para muling ma-awtopsiya
Tumungo kahapon, Agosto 15, ang mga kaanak ni Kian de los Santos, biktima ng “gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte, sa La Loma Cemetery sa Maynila para i-exhume (hukayin o ilabas sa nitso) ang kanyang mga labi. Ngayong araw ang katapusan ng upa sa nitso sa sementeryo.
Ang pag-exhume ay isinagawa sa tulong ng Project Arise, na may layuning sagipin ang mga labi ng mga biktima ng gera kontra-droga para isailalim sa independyenteng awtopsiya.
Noo’y 17-anyos na estudyante, si Kian de los Santos ay pinatay ng mga pulis noong Agosto 16, 2017. Nakunan sa mga kamerang pangsarbeylans (CCTV) kung paano siya kinaladkad ng mga pulis, itinulak sa isang kanto at doon binaril nang walang kalaban-laban. Dahil dito, isa siya sa naging mga “mukha” ng brutalidad ng gera kontra-droga.
Sa puu-puong libong biktima ng “gera kontra-droga,” tanging ang kaso ni Kian ang umabot sa korte at nagkaroon ng desisyon. Noong 2018, hinatulan ang tatlong pulis na sangkot sa kaso ng pagpatay at pagsisinungaling na “nanlaban” ang biktima.
Sa kabila ng pagkapanalo nila sa korte, nakiisa ang pamilya ni de los Santos sa mga pagsisikap ng Project Arise para sa mas malawak na pagpapanagot sa rehimeng Duterte. Nanindigan silang hindi lamang si Kian ang dapat mabigyan ng hustisya kundi pati ang libu-libong mga biktima ng “gera kontra-droga.”
Ayon kay Fr. Flavie Villanuena ng Project Arise, makatutulong ang awtopsiya kay Kian sa paghuhukay ng “mas malalim na katotohanan” sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang. Ang awtopsiya ay isasagawa ng batikang pathologist na si Dr. Raquel Fortun. Umabot na sa mahigit 60 mga labi ang na-exhume ng Project Arise at naawtopsiya ni Dr. Fortun.