Armadong pagtatanggol ng BHB sa mamamayan laban sa AFP Limang aksyong militar, inilunsad sa Negros

Limang aksyong militar sa nagdaang linggo ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros laban sa mga tropa ng berdugong militar. Bahagi ito ng mga pagsisikap ng mga Pulang mandirigma para labanan ang mga pasistang naninibasib sa mga sibilyan at mga komunidad ng magsasaka sa isla. Inilunsad ang mga aksyong ito sa gitna ng inilulunsad ng AFP na mga focus military operation.

Nobyembre 25. Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng BHB Leonardo Panaligan Command (BHB-LPC) ang PNP substation sa Sityo Parkingan, Barangay Trinidad, Guihulngan City, alas 5:00 ng hapon. Isang pulis ang sugatan.

Nobyembre 24. Tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Southwest Negros ang mga sundalo ng 47th IB sa Sityo Camboguiot, Barangay Camindangan, Sipalay City. Napatay sa pananambang ang dalawang intelligence officer ng nasabing yunit na sina Sgt. Regie Glendro at Staff Sgt. Ken Camilan.

Nobyembre 23. Naglunsad ng operasyong pagharas ang BHB sa isang Army Patrol Base sa Barangay Sandayao, Guihulngan City, alas 6:30 ng gabi. Isang sundalo ng 62nd IB ang sugatan.

Nobyembre 21. Hinaras ng BHB ang isang platun ng pasistang tropa ng 62nd IB sa Sityo Tuko, Barangay Trinidad, Guihulngan City. Dalawang sundalo ang napatay. Sa araw ding iyon, inisnayp ng isa pang yunit ng BHB-LPC ang hiwalay na platun ng 62nd IB na nag-ooperasyon sa parehong lugar. Isang sundalo ang sugatan.

 

AB: Limang aksyong militar, inilunsad sa Negros