Lokal na produksyon ng bakuna, itinutulak

Balita kahapon ang pagtatayo ng lokal na pasilidad at pabrika para sa produksyon ng bakuna sa loob ng dating base militar ng US sa Clark Airbase sa Pampanga ng isang lokal na distribyutor ng mga bakuna. Pangungunahan ng Glovax Biotech ang pagtatayo ng pasilidad, katuwang ang mga kumpanyang South Korean na Eubiologics at LG Chem. Plano ng kumpanya na magprodyus ng EuCorvac-19, isang bakunang kontra-Covid-19 na nasa pangalawang phase ng clinical trials. Ang EuCorvac-19 ay pinaunlad ng Pop Biotechnologies, isang kumpanyag Amerikano. Kung matutuloy, ito ang kauna-unahang bakuna na magkakaroon ng lokal na clinical trial. Ibinalitang may 90% na efficacy ang bakunang ito batay sa mga clinical trial sa South Korea.

Huling-huli ang Pilipinas sa malawakang pagbabakuna dulot ng kapalpakan ng rehimeng Duterte na maagang makakuha ng mga bakuna at pagkopo ng bulto ng suplay nito ng kapitalistang mga bansa. Limang buwan na mula nang simulan ang pagpapabakuna sa iba’t ibang bahagi mundo, pero wala pang 2 milyon ang nababakunahang Pilipino. Sa kabila ng napalaki nang inutang na pondo at mga konsesyong ibinigay nito sa mga nagmamanupakturang bansa, wala pa ring nabuong kasunduan sa pagbili ang rehimen sa mayor na mga kumpanyang parmasyutika. Mayorya ng dumating sa bansa ay “donasyon” ng China o mula sa Covax Facility ng World Health Organization.

Dahil di pinangunahan ng estado at sa kaibuturan ay itinuturing na negosyo, nakatuon ang produksyon ng Glovax sa pagsusuplay ng bakuna sa mga parmasiya at pribadong kumpanya. Ngayon pa lamang, nakikipagnegosasyon na ito sa mga negosyo ng pamilyang Sy at sa mga kumpanya ni Manuel Pangilinan.

AB: Lokal na produksyon ng bakuna, itinutulak