Magkano ang pwesto sa gubyerno?
Sa nakaraan, lagi’t laging bumubuhos ang pondo tuwing panahon ng eleksyon. Sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism, napag-alaman nitong gumasta ng kabuuang ₱1.91 bilyon ang mga tumakbo pagkapresidente noong 2016. Ang mga ito ay sina Sen. Grace Poe na gumasta ng ₱510.8 milyon, Ex-Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II (₱487.3 milyon), dating Vice President Jejomar “Jojo” Binay (₱463.4 milyon), former Davao City Mayor Rodrigo R. Duterte (₱371.5 milyon), at ang pumanaw nang si Sen. Miriam Defensor-Santiago (₱74.7 milyon). Ang mga halagang ito ay batay lamang sa kanilang pormal na ulat at hindi kasama ang ginastos ng kanilang mga kaalyado at mga hindi pinangangalanang nag-aambag ng panggastos.
Sa kasalukuyang eleksyon, tinataya ng Ibon Foundation na gumagasta ang isang kandidato pagkapresidente ng abereyds na ₱3 bilyon kada isa, ang kandidato pagkabise-presidente ng ₱1 bilyon at ang kumakandidato sa Senado nang ₱350 milyon kada isa.
Liban dito, tinatayang gumagasta ang iba pang kandidato kada isa para sa sumusunod na pwesto:
Kongreso 15 milyon Gubernador 15 milyon Bise gubernador 7.5 milyon Board member 1 milyon Meyor 3 milyon Bise meyor 1.5 milyon Konsehal 100,000
Sa kabuuan, maaaring umabot sa ₱76.56 bilyon ang bumubuhos sa ekonomya galing lamang sa mga kandidato. Dagdag pa rito ang ₱26.9 bilyong badyet na ginagasta ng Commission on Elections para sa mismong eleksyon.
Liban sa pondong direktang napupunta sa tao sa pamamagitan ng bilihan ng boto, malaki ang ibinubuhos ng mga kandidato sa mga patalastas, kapwa sa tradisyunal na midya (radyo, telebisyon at print) at sa social media (pinakamalaki sa Facebook). Malaking pera rin ang dumadaloy sa paglulunsad ng dambuhalang mga raling pangkampanya at sa mga sektor ng serbisyo, transportasyon at akomodasyon na kaakibat ng mga ito.
Sa nakaraan, nagdadagdag ang paggastang elektoral nang 1% sa gross domestic product. Ayon sa mga eksperto, malamang na mas mababa ito ngayon, lalupa’t nagmumula ang bansa sa 2-taong pagkalugmok dulot ng palpak na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19.
Gayundin, temporaryo ang pagsikad sa ekonomyang dala ng paggastang elektoryal, ayon sa Ibon. Hindi nito isasalba ang ekonomya ngayong taon at may posibilidad pang magdulot ng implasyon sa dulong bahagi ng taon.
“Anumang pagtaas mula sa pagtatapos ng lockdown ay mawawala na pagsapit ng pangalawang kwarto (ng taon) at hindi magiging sapat ang paggastang elektoral para punan ang kakulangan dulot ng mataas na tantos ng disempleyo; at ang mababang klase ng mga trabaho ay hihila sa ekonomya pababa,” ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon.