Magsasaka, pinatay ng militar sa Himamaylan City

Iniulat ngayong araw ng alternatibong dyaryo na nakabase sa Negros na isang magsasaka ang pinatay ng mga sundalo ng 94th IB sa Barangay Buenavista, Himamaylan City noong Agosto 8.

Sa ulat, hindi pa nakukumpirma ang identidad ng biktima. Pinatay siya ng mga sundalong nagsasagawa ng operasyong kombat sa lugar.

Noong Agosto 10, binulabog at sapilitang inokupa ng 94th IB ang mga kabahayan sa Buenavista matapos ang isang engkwentro sa pagitan ng kanilang yunit at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros.

Pinalayas ng mga sundalo ang mga residente at inokupa ang kanilang mga bahay. Naiulat din ang panghaharas at panunugis nila sa mga kabataan, kabilang ang mga menor de-edad at kahit mga sanggol, na pinaghihinalaan nilang mga anak ng mga Pulang mandirigma.

Ang mga residente ng naturang barangay ay mula sa tribu ng Maghat-Bukidnon. Higit isantaon nang inooperasyon ng mga sundalo ang mga kabundukan ng Himamaylan, mga eryang hitik sa likas na yaman na pinaglalawayan ng dayuhang mamumuhunan. Panawagan ng katutubo ang kagyat na pagpapalayas sa ang mga sundalo sa kanilang komunidad.

Iniulat ng BHB sa larangan na isang mandirigma, si Anthony “Ka Bal” Ariola, ang namartir sa labanan noong Agosto 10.

AB: Magsasaka, pinatay ng militar sa Himamaylan City