Malaking sabwatan laban kay De Lima, nabubunyag
Sa loob ng limang taon, sunud-sunod na nabunyag ang malaking sabwatan ng mga upisyal ng rehimeng Duterte para ipitin ng mga ligal na kaso si Sen. Leila de Lima. Nakakulong si De Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City mula pa noong Pebrero 2017.
Isa na namang susing saksi ang nagbawi ng kanyang mga akusasyon laban sa senadora na kilalalng matinding kritiko ni Rodrigo Duterte. Sa kanyang sinumpaang pahayag na ipinamahagi at binasa sa midya noong Mayo 2, sinabi ni Rafael Ragos, dating officer-in-charge para sa Bureau of Corrections (BuCor), na walang katotohanan na si De Lima ay sangkot sa drug trafficking sa New Bilibid Prison (NBP).
Nangyari ang pagbawi ni Ragos ng kanyang testimonya, na susing saksi sa dalawa pang natitirang kaso ng drug trafficking laban kay De Lima, ilang araw lamang pagkaraang bawiin ni Roland “Kerwin” Espinosa, aminadong drug lord, ang kanyang affidavit o sinumpaang salaysay kontra sa senadora noong Abril 28.
Sa harap ng midya, ipinahayag ni Rafael Ragos na pinwersa siya ng noo’y Justice Secretary Vitaliano Aguirre II upang tumestigo laban kay De Lima. Mula 2016 ilang beses na inakusahan ni Ragos si De Lima sa pandinig ng justice committee sa Mababang Kapulungan tungkol sa iligal na droga sa NBP. Inulit niya ito noong 2019 sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204.
Kagaya ni Espinosa, ibinunyag din ni Ragos na lahat ng kanyang mga alegasyon laban kay De Lima ay mga kasinungalingan. Ngayon pagkatapos ng limang taon ay inilabas niya ang “matagal na kinikimkim sa kanyang dibdib” upang ihayag ang katotohanan. Humingi rin siya ng paumanhin kay De Lima dahil sabi niya “hindi ko ginusto ang mga pangyayari”.
Ayon kay Ragos may ilang beses silang nagkita ni Aguirre, ininteroga, pinwersa at pinagbantaan siya para tumestigo sa mga bagay na hindi naman nangyari. Anya, wala siyang magagawa dahil justice secretary mismo ang pumepwersa sa kanya at nagsabi pang nakabantay ang Malacañang sa mga kilos niya.
Maaalalang gumawa ng affidavit si Ragos noong Setyembre 2016 kung saan sinabi niya, na kasama si dating NBI agent na si Jovencio Ablen Jr., ay nagdala diumano sila ng isang maitim na bag na may lamang ₱5 milyon para kay Ronnie Dayan, ang dating drayber at badigard ng senadora, doon sa bahay ni De Lima. Nagmula raw ang perang iyon sa iligal na droga sa NBP. Muling nagdeliber siya ng ₱5 milyon na nakabalot sa bag na plastik. Sinabi niya noon na ang pera ay nanggaling sa presong si Wang Tuan Yuan alyas Peter Co.
Lahat na mga akusasyong iyon ay ginawa niya ayon sa mga instruksyon ni dating Justice Secretary Aguirre at sa direksyon ni Duterte.
Maaalalang ang mga akusado noon ng rehimeng Duterte kaugnay sa iligal na droga sa NBP ay sina Ragos, Dayan at De Lima. Ngunit nang naging susing testigo ng gubyerno si Ragos, tinangggal siya sa listahan ng mga akusado.
Bunsod ng mga pagbubunyag na ito, iginigiit ng oposisyon at iba pang sektor sa loob at labas ng bansa na dapat palayain na si De Lima. Walang dahilan para manatili pa siya sa kulungan. Tumatakbo si De Lima pagkasenador sa halalang 2022.