Malupit na warden sa BJMP sa Panay, inalis sa puwesto

Matapos maglunsad ngayong araw ng noise barrage ang mahigit isang daang preso sa Pototan, Iloilo dahil sa kagutuman sa loob ng piitan, napilitan ipag-utos ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Western Visayas ang pag-aalis sa puwesto sa bagong talagang warden na si Chief Inspector Norberto Miciano Jr.

“Layas Warden!” sigaw nila bilang pagkundena sa pamamalakad ng bagong warden.

Nanawagan din sila na makapasok ang mga midya sa loob ng bilangguan upang maipahatid ang kanilang hinaing. Reklamo nila, bukod sa walang makain, pinagbabawalan din ng warden na makapasok ang pagkain na hatid ng kanilang dalaw.

Kwento pa ng isang detenido sa pamamagitan ng isang sulat na inabot sa midya, “Ang warden dito ay sobrang korap. Nakakasawa na ang isda. Ginagawang negosyo ang ulam na baboy. Winawasak ang mga grocery. Ang pera namin (na galing sa mga bisita) ay nililimitahan habang doble ang presyo ng mga bilihin.”

Iniulat din nila na pina-padlock ang mga tao at ang mga bigas na sinasaing ay may bubog at bato.

Kabilang sa mga nakapiit sa naturang kulungan ay mga detenidong pulitikal na aktibista at organisador sa isla ng Panay.

AB: Malupit na warden sa BJMP sa Panay, inalis sa puwesto